HINDI NAWAWALA| Lowell Menorca nakaalis na ng Pilipinas ayon sa Immigration

Lowell

Former INC member Lowell Menorca

 

Nakaalis na ng Pilipinas si Lowell Menorca.

Ito ang kinumpirma ngayong araw ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon sa BI kahapon pa lumabas ng bansa si Menorca kasama ang kanyang asawang si Jinky at ang anak nitong dalawang taong gulang. 

Sa record ng BI, umalis sina Menorca bandang 10:45 PM kagabi patungong Ho Chi Minh City, Vietnam sakay ng Cebu Pacific flight 751.

Hindi ito pinigilan sapagkat wala namang nakahaing hold departure order laban dito.

Si Menorca ang itiniwalag na miyembro ng Iglesia Ni Cristo.

Una nang napaulat ngayong araw na nawawala si Menorca batay sa abogado nitong si Atty. Trixie Angeles.

Nakatakda sanang humarap si Menorca sa Court of Appeals ngayong araw para sa pagpapatuloy ng pagdinig sa nakahain Writ of Amparo laban sa mga respondent na sina INC Executive Minister Eduardo Manalo at mga miyembro ng Sanggunian na sina Ka Radel Cortez, Ka Bienvenido Santiago, at Ka Rolando Esguerra.

Ayon kay Angeles, huling niyang nakontak si Menorca kagabi kung saan binanggit umano nito na may death threat silang natanggap.

Siya ay nahaharap sa ilang count ng libel na isinampa ng SCAN International, isang samahan sa loob ng INC.

Si Menorca din ay kabilang sa mga dating kaanib ng INC na tumutuligsa ngayon sa ilang lider nang nasabing samahan dahil umano sa korapsyon na nagaganap sa loob nito.-DCR

Advertisements