TULOY ANG LABAN: Grace Poe kwalipikadong kumandidato- Supreme Court

 

poe

Kwalipikadong kumandidato bilang pangulo ng Pilipinas si Sen. Grace Poe. 

Ito ang naging desisyon ng Supreme Court (SC) ngayong araw kasabay nang paggunita sa Pandaigdigan Araw ng Kababaihan.

Sa botong 9-6 ay nagpasya ang mga mahistrado ng SC na payagan ang senadora na tumakbo sa May 2016 National and Local Elections.

Dahil sa makasaysayang desisyon ay tuluyang ibinasura ng korte ang nauna nang hatol ng Commission on Elections (COMELEC) na i-diskwalipika di Poe sa pagkandidato.

Pinangunahan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang hanay ng mga mahistradong nagbigay ng paborableng desisyon kay Poe.

Kabilang pa sa mga bumoto pabor sa senadora ay sina Justice Presbitero Velasco Jr, Justice Diosdado Peralta, Justice Lucas Bersamin, Justice  Jose Perez, Justice Jose Mendoza, Justice Marvic Leonen, Justice Francis Jardeleza, at Justice Benjamin Caguioa.

Ang mga mahistrado naman na bumoto para sa diskwalipikasyon ni Poe ay sina Justice Antonio Carpio, Justice Teresita Leonardo-Carpio, Justice Mariano del Castillo, Justice Arturo Brion, Justice Estela Perlas-Bernabe, at Justice Bienvenido Reyes.

Kabilang sa mga pinagtalunang usapin sa ilalim ng disqualification cases ni Poe sa SC ay kung ikokonsidera ba itong natural born citizen at kung nabuo nito ang 10 year residency period na hinihingi ng batas para sa mga kumakandidatong pangulo.-DCR

 

 

Advertisements