Grace Poe nagpasalamat sa mga tagasuporta matapos maipanalo ang laban sa Supreme Court

poe

 

Pinasalamatan ni Sen. Grace Poe ang lahat ng kanyang mga tagasuporta matapos ilabas ng Supreme Court ngayong araw ang isang makasaysayang desisyon na nagpapahintulot sa senadora para ituloy ang kanyang pagkandidato bilang pangulo ng bansa.

Sa botong 9-6 ay nagpasya ang mga mahistrado ng SC na payagan ang senadora na tumakbo sa May 2016 National and Local Elections.

Matapos ilabas ng SC ang desisyon ay nagbunyi hindi lang ang kampo ni Poe kundi pati na rin ang mga sumusuporta sa kanyang kandidatura.

“Ako po ay taos pusong nagpapasalamat sa ating mga kababayan na hindi bumitiw at hindi nawalan ng tiwala at higit sa lahat nagdasal, nanalangin hindi lamang para sa akin kundi para sa hustisya. Nais ko ring pasalamatan ang Korte Suprema na binigyan nila ng pagkilala ang katotohana, ang katarungan at higit sa lahat ang proteksyon para sa mga naaapi sa ating mga kababayan,”  pahayag ng senadora.

Kasabay nito sinabi rin ni Poe na hindi niya kakalimutan ang makasaysayang araw na ito at sa halip ay gagamitin ang oportunidad na ibibigay sa kanya ng taumbayan upang mapabuti pa ang kabuhayan ng mga Pilipino. 

“Hindi ko po kakalimutan ang pinagdaanan na ito. Gagamitin ko ito para tayo ay magkaisa, magsamasama para lahat ay bumuti ang buhay sa ating bansa at hindi ang iilan lamang,” pahayag pa ni Poe. 

Bago pa inilabas ng SC ang desisyon ngayong araw ay una ng sinabi ni Poe na tatanggapin niya anuman ang maging hatol ng hukuman.

Kabilang sa mga kinwestyon sa SC ay ang pagiging natural born citizen ni Poe at kung nabuo ba nito ang hinihinging residency requirement ng batas para sa mga tumatakbong pangulo ng bansa. 

Sa pinakahuling Pulse Asia survey noong Pebrero ay nakakuha ng 26% si Poe. 

Halos dikit ang resulta ng naturang survey sa kalaban ni Poe na si Vice President Jejomar Binay.-DCR

 

Advertisements