Grace Poe papet ni Danding Cojuangco- Duterte camp

danding grace

NPC stalwart Danding Cojuangco and presidential aspitant Grace Poe (Image courtesy of Davao Breaking News)

Papet! 

Ito ang tawag ngayon ng kampo ni PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte kay Sen. Grace Poe.

Ang pahayag mula sa kampo ni Duterte ay nagsimula matapos ipagtanggol ni Poe si Nationalist Peoples Coalition (NPC) chairman Danding Cojuangco mula sa usapin ng coco levy fund.

Una nang sinabi ni Poe na hindi si Cojuangco ang dapat sisihin sa pagkaantala sa pagpapalabas ng coco levy fund kundi ang gobyerno.

Ayon sa senadora, ang kontrol sa coco levy fund ay nasa kamay na ng pamahalaan simula ng ipag-utos ng Supreme Court na ang coco levy ay isang public fund sa desisyon nito noong 2012.

Ang coco levy fund na mula sa pagod ng mga magniniyog ay sinasabing ipinambili ni Cojuangco ng kanyang mga pag-aari sa San Miguel Corporation, United Coconut Planters Bank at iba pang mga negosyo.

Sinabi ng tagapagsalita ng PDP-Laban na si Atty. Paola Alvarez, na ang pahayag ni Poe ay bayad utang sa pagsuporta ni Cojuangco sa kampanya nito para sa darating na halalan.

“The statement could only be coming from one who is not only a lapdog but at most a puppetsomeone who clearly is only in the running for the highest position because of being beholden to her benefactor.” pahayag ni Alvarez.

Ayon pa sa tagapagsalita ng PDP-Laban, ang pahayag ni Poe ay isang pagprotekta sa interes ni Cojuangco at maituturing na inhustisya sa panig ng mga magniniyog.

Itinanggi naman ng kampo ni Poe ang paratang.

Ayon sa tagapagsalita nitong si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, handang tulungan ng senadora ang mga magniniyog. 

Muli ring iginiit ng kampo ni Poe na kailangan nang gamitin ang pondo para tulungan ang sektor ng mga magniniyog sa bansa.

“Senator Poe is also committed to tap the coco levy funds, which the government has been withholding from farmers despite Supreme Court decision with finality that the coco levy funds are public funds,” pahayag pa ni Gatchalian.

Sa pagsasaliksik ng The Manila Journo lumalabas na umabot sa P93B ang pondo sa ilalim ng coco levy kung saan P74B dito ay naipasok na sa National Treasury.

Dati nang iniutos ni Pangulong Benigno Aquino III na gamitin ang pondo para sa kapakanan ng mga benepisyaryo nito sa pamamagitan ng paglalabas ng dalawang executive order. 

Sa kabila nito ay isang temporary retraining order ang inihain sa Korte Suprema ng Confederation of Coconut Farmers Organizations of the Philippines upang matigil ang pagpapatupad sa inilabas na EO ng Pangulo.

Sa ilalim ng Executive Order 180 ni Aquino ay inatasan nito ang mga ahensya ng gobyerno na pangalagaan ang mga asset at interes ng gobyerno sa coco levy.

Naglabas din ang Pangulo ng Executive order 179 na nag-aatas sa Presidential Commission on Good Governance upang maimbentaryo ang lahat ng mga asset na may kinalaman sa coco levy fund.-DCR

 

Advertisements