Malacañang nagluluksa sa pagpanaw ni dating Sen. Jovito Salonga

Salonga 3.png

Photo courtesy of Official Gazette 

Nagluluksa ang Malacañang sa pagpanaw ni dating Senate President Jovito Salonga.

Sa statement ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, sinabi nito na lubos na nalulungkot ang Palasyo sa pagkamatay ng dating senador. 

Ipinaabot din ni Lacierda ang pakikiramay ng gobyerno sa pamilyang naiwan ng dating senador.

“With heads bowed in grief and respect, we extend our deepest sympathies to the family of Senator Jovito Salonga. His passing marks the departure from this life of another of those brave, committed individuals who lit a candle during the deep darkness of the dictatorship; and who contributed to the restoration of our democratic way of life after the triumph of People Power,” pahayag pa ni Lacierda.

Ayon pa sa Malacañang, ang buhay ni Salonga ay isang sampal para sa mga lider ng pamahalaan na mas inuuna ang sarili kaysa sa kapakanan ng sambayanan, sa mga nagpapababa ng antas sa mga isyung may kinalaman sa taumbayan at sa mga kayang isakripisyo ang karapatang pantao at nilalaman ng batas upang makamit lamang ang personal na interes o interes ng kanilang grupo.

Kabilang si Salonga sa mga lumaban sa diktaduryang Marcos.

Biktima rin ang dating senador ng Plaza Miranda bombing.

Kasama si Salonga sa 12 senador na bumoto noon upang tuluyang mapaalis ang base militar ng mga Amerikano sa bansa noong 1991.

Una siyang nahalal bilang senador noong 1965. Una siyang nanilbihan sa Senado mula 1965 hanggang 1972 bago muling nahalal noong 1987 hanggang matapos ang termino noong 1992.

Noong 1992 National and Local Elections ay kabilang si Salonga sa mga kumandidato bilang pangulo subalit hindi pinalad na magwagi.

Taong 2007 nang parangalan ng Ramon Magsaysay foundation si Salonga.

Siya ay namatay sa Philippine Heart Center ngayong araw sa edad na 95.-DCR

Advertisements