Grace Poe tunay na Pilipino- Supreme Court

Natural-born Filipino. 

Ito ang naging desisyon ng Supreme Court (SC) pagdating sa usapin ng citizenship ni Sen. Grace Poe.

Biyernes ng gabi nang isapubliko ng SC ang desisyon nito sa disqualification case na inihain sa senadora na kumukwestyon sa kanyang citizenship at residency sa bansa.

“There is more than sufficient evidence that petitioner has Filipino parents and is therefore a natural-born Filipino,” parte ng desisyon ng SC. 

Ayon sa desisyon ng korte, nakagawa ang Commission on Elections (COMELEC) ng grave abuse of discretion nang idiskwalipika nilaang senadora sa pagkandidato bilang pangulo dahil sa usapin ng residency at citizenship nito.

Base sa desisyon ng Korte Suprema, ang pag-amin ni Poe na siya ay isang pulot ay hindi nangangahulugan na kailangan niyang patunayan na siya ay isang natural-born Filipino.

Ayon sa korte, hindi nangangahulugan ang naturang kalagayan ng senadora para alisin ang posibilidad na ang kanyang mga magulang ay Pilipino. 

Ginamit na batayan ng SC ang mga argumentong ipinrisenta ni Solicitor General Florin Hilbay na sumusuporta sa citizenship ni Poe.

Kabilang naman sa mga circumstantial evidence na pinagbatayan ng korte ay ang pagkakapulot kay Poe sa Jaro Cathedral sa  Iloilo kung saan ang malaking bahagi ng populasyon ay mga Pilipino.

Maging ang pisikal na katangian ng isang pangkaraniwang Pilipino ay taglay din umano ni Poe ayon sa SC tulad ng taas, hugis ng mukha, korte ng mata, hugis ng ilong at itim na buhok.

Kabilang sa mga bumoto pabor sa senadora ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Justice Presbitero Velasco Jr, Justice Diosdado Peralta, Justice Lucas Bersamin, Justice  Jose Perez, Justice Jose Mendoza, Justice Marvic Leonen, Justice Francis Jardeleza, at Justice Benjamin Caguioa.

Ang mga mahistrado naman na bumoto para sa diskwalipikasyon ni Poe ay sina Justice Antonio Carpio, Justice Teresita Leonardo-Carpio, Justice Mariano del Castillo, Justice Arturo Brion, Justice Estela Perlas-Bernabe, at Justice Bienvenido Reyes.-DCR

 

Advertisements