VIRAL VIDEO: LRT-1 umaandar kahit bukas ang pinto

2

LRT-1 running with doors open (Screenshot from James Cubelo’s video)

Viral ngayon sa social media ang isang video na nagpapakita nang pag-andar ng LRT-1 kahit bukas ang isa sa mga pintuan nito.

Ang video na ini-upload ng estudyanteng si James Cubelo ay mayroon na ngayong 401,000 views, higit 11,000 shares, higit 12,000 likes at dumadaming comments.

Sa video ay makikita ang mabilis na pagtakbo ng tren kahit bukas na bukas ang pinto nito.

Nakakapit naman sa loob ang mga pasahero kabilang na ang mga estudyante at ilang banyaga.

Bagama’t nasa delikadong sitwasyon ay nagawa pang i-video ni Cubelo ang mga pangyayari kung saan inihalintulad nila ito sa pagsakay sa isang ride sa amusement park.

Paliwanag ni Cubelo, naganap ang insidente kahapon bandang 6:00 ng gabi.

Aniya, sumakay sila ng kanyang kaibigan sa bahagi ng Central Station at mula dito ay napansin na niya ang hindi pagsara ng pinto.

Salaysay pa ni Cubelo, puno ang tren nang maganap ang insidente pero lumuwag ang bahagi ng pintuang hindi nagsara dahil sa takot ng mga tao na malaglag habang umaandar nang mabilis ang tren.

Pagsapit sa UN Avenue Station ng LRT ay hindi pa rin nasolusyunan ang problema.

125

Screenshot from James Cubelo’s video 

Sa pangalawang video makikita na bagama’t hindi sumasara ang pinto ay muli pa ring tumakbo ang tren kahit mas dumami na ang pasaherong sakay.

Pagsapit sa Pedro Gil ay dito na inayos ang pinto at sumara naman ito hanggang sa makarating sina Cubelo sa Edsa Station.

Ang LRT-1 ay itinayo noong panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa kasalukuyan ay bumibyahe ito mula Roosevelt hanggang Baclaran.

Kabilang sa proyekto upang mapaayos ang sistema ay ang lalo pang pagdagdag sa mga istasyon nito.

Noong Pebrero lamang ay nilagdaan na P24B loan agreement para sa LRT Cavite extension project.

Batay sa proyekto, mula sa Baclaran ay magdadagdag ng walong istasyon ang gobyerno hanggang sa Niyog, Cavite.-DCR

 

Advertisements