Poe No.1 na sa pinakahuling SWS survey

Nangunguna na si Sen. Grace Poe base sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa nito lamang Marso 4-7.

Si Poe ay nakakuha ng 27% sa pinakahuling survey.

Ginawa ito ilang araw bago inilabas ng Supreme Court ang pinal nitong desisyon pabor sa senadora.

Batay sa desisyon ng ng korte, sinabi nito na nakabuo si Poe ng 10 years residency period na isa sa mga rekisitos para sa mga tumatakbong kandidato sa pagka-pangulo.

Sa desisyon din ng SC ay kinatigan nito na si Poe ay isang natural-born Filipino sa kabila ng pagiging pulot nito.

Pumangalawa naman sa survey si Vice President Jejomar Binay na mayroong 24%.

Mas mababa ito ng limang puntos kumpara sa nakuha niya noong nakaraang buwan.

Naging matatag naman sa ikatlong pwesto si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na may 24%.

Si Roxas ang may pinakamalaking iniakyat sa survey sa lahat ng mga kandidato sa pagka-pangulo kung saan nakakuha ito ng apat na puntos mas mataas kaysa sa result noong Pebrero.

Nasa ikaapat na pwesto naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na mayroong 21% kung saan nabawasan ito ng tatlong puntos.

Nananatili naman sa ikalimang pwesto si Sen. Miriam Defensor-Santiago na mayroong apat na puntos.

Inilabas ng SWS ang bagong survey halos isang linggo bago gawin ang ikalawang serye ng presidential survey.

Sa Linggo, March 20 ay muling maghaharap ang limang presidentiable sa Visayas upang sagutin ang samu’t saring isyung may kaugnayan sa kanilang kandidatura.-DCR

 

Advertisements