DUTERTE SUMEGUNDA: Grace Poe No.1 sa bagong Pulse Asia survey

Poe

Photo from Sen. Grace Poe and  Duterte-Cayetano Facebook Pages

 

Napanatili ni Sen. Grace Poe ang kapit nito sa number 1 spot sa pinakahuling Pulse Asia survey. 

Sa resulta ng ginawang survey ng Pulse Asia at ABSCBN noong Marso 1-6 ay nakakuha si Poe ng 28%. 

Pumangalawa naman sa kanya si Davao City Mayor Duterte na mayroong 24%.

Napalayo naman sa ikatlong pwesto si Vice President Jejomar Binay na nakakuha ng 21%.

Nasa pang-apat na pwesti si Liberal Party bet Mar Roxas na may 20% habang nasa panglimang pwesto si Sen. Miriam Defensor-Santiago na nakakuha ng 3%.

Sa huling survey ng Pulse Asia noong Pebrero ay tabla pa sina Poe at Binay habang nagtabla rin sina Duterte at Roxas.

POE NANGUNA SA METRO MANILA AT LUZON

Pagdating sa lugar ay pinakamalaki ang nakuha ni Poe sa Luzon at Metro Manila.

Sa NCR ay mayroon siyang 30% habang sa Luzon ay nakakuha ang senadora ng 36%. 

Nakuha naman ang pinakamalaking pabor mula sa Visayas kumpara sa kanyang mga kalaban sa pagka-pangulo kung saan mayroon siya ritong 37%.

Si Duterte naman ang pinakapinaborang kandidato ng mga taga Mindanao dahil nakakuha ang alkalde dito ng 47%.

Halos hindi rin naiba ang resulta ng February 2016 survey pagdating sa nakuha ng mga presidentiable base sa lugar.

Nadagdag lamang kay Poe ang Metro Manila kung saan mas madami ang pumabor dito kay Binay noong nakaraang buwan.

DUTERTE PINABORAN NG CLASS ABC

Sa social class naman, si Duterte ang mas pinaboran ng mga nasa class ABC ng lipunan.

Kabilang sa mga pangunahing plataporma ng alkalde ay ang pagsugpo sa korupsyon at kriminalidad na laganap sa bansa.

Ang class D naman ay mas pinaboran si Poe na may 29% habang ang mga mahihirap o ang class E ay nakuha ni Roxas kung saan mayroon siya ritong 26%.

Hindi naman malayo ang nakuha ni Poe sa class E kung saan siya ay may 25% habang sina Binay at Duterte ay halos tabla rin sa social class na ito na may 22% at 21%. 

Malaki ang pinagkaiba ng March 2016 survey ng Pulse Asia pagdating sa social class kaysa noong Pebrero.

Noong nakaraang buwan ay nagtabla sina Poe at Roxas sa ABC.

Sa class D ay nagtabla noon sina Poe at Binay habang sa class E ay halos tabla rin noon ang dalawa. 

Ang survey ay ginawa ilang araw bago ilabas ng Supreme Court ang desisyon nito tungkol sa disqualification case laban kay Poe. 

Sa bagong survey din ng Social Weather Station ngayong Marso na inilabas kahapon ay nanguna rin si Poe kung saan nakakuha ito ng 27%.

Sa Marso 20 naman ay idadaos ang ikalawang serye ng Pilipinas Debate kung saan muling maghaharap ang limang magkakatunggali sa pagka-pangulo para sagutin ang mga isyung pambayan.DCR

Advertisements