Tambalang Grace Poe-Bongbong Marcos inendorso ni Erap

 

Erap 2

Pormal nang inendorso ni dating Pangulo at Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kandidatura nina Sen. Grace Poe at Sen. Bongbong Marcos bilang kanyang mga pambato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo sa darating na eleksyon.

Ang anunsyo ay ginawa mismo ni Estrada kasabay ng kanyang proclamation rally sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ngayong Lunes ng gabi.

Si Estrada na tumatakbo sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde ay mas piniling suportahan ang inaanak na si Poe kaysa sa dati na nitong kaalyado na si Vice President Jejomar Binay.

Hindi na rin bago ang suporta ni Erap kay Marcos makaraang dumalo ang alkalde sa proklamasyon ng senador noong nakaraang taon sa Ilocos Norte.

“Ang aking at marahil magiging kandidato ‘nyo rin bilang pangulo ay isang mabuti at mapapagkatiwalaang tao…. Tulad ng kanyang ama, siya’y mahal ko rin at bahagi ng aking buhay…Mga kasama, mga kaibigan, palakpakan natin ang aking inaanak at susunod na pangulo ng Pilipinas, walang ibang kundi si Grace Poe,” buong pagmamalaking proklamasyon ni Erap.

Bukod sa kina Poe at Marcos ay inanunsyo na rin ni Estrada ang kanyang pambato sa Senado.

Kabilang dito sina:

  • dating TESDA Director Joel Villanueva ng Liberal Party
  • dating Sen. Panfilo Lacson ng Liberal Party 
  • Sarangani Rep. Manny Pacquiao ng United Nationalist Alliance (UNA)
  • Leyte Rep. Martin Romualdez, UNA
  • dating Special Action Force (SAF) commander Ret. Gen. Getulio Napeñas, UNA
  • Manila Vice Mayor Isko Moreno ng  Partido Galing at Puso (PGP)
  • Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, PGP
  • Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian, PGP
  • dating Sen. Richard Gordon, PGP
  • dating Sen. Juan Miguel Zubiri, PGP
  • Sen. Serge Osmeña III
  • dating MMDA chairman Francis Tolentino, Independent

Dahil sa pangyayari ay inaasahan na mas makakadagdag sa boto ni Poe ang endorso mula sa dating pangulo.

Sa pinakahuling Social Weather Station at Pulse Asia survey ay nananatili pa rin si Poe sa unang pwesto.-DCR

 

Advertisements