KASADO NA: Pilipinas bibili ng mga anti-submarine chopper

Augusta

Image courtesy of militaryfactory.com

 

Kasado na ang pagbili ng bansa para sa dalawang bagong anti-submarine chopper.

Ito ay matapos lagdaan ng Department of National Defense (DND) sa pangunguna ni Sec. Voltaire Gazmin at ni Agusta Westland vice president for Sales and Strategic Development Stefano Bortoli ang isang kasunduan.

Nakasaad sa kontrata na pirmado ng dalawang opisyal ang pagbili ng Pilipinas sa Agusta Westland ng dalawang AW159 Wildcat anti-submarine chopper.

Nagkakahalaga ang proyekto ng higit P5.4 bilyon.

Ang naturang hakbang ay ikinasa ng DND kasabay nang pagbili ng dalawang barkong pandigma sa India na nagkakahalaga naman ng P18 bilyon.

“This will definitely enhance the capability of the Philippine Navy. For the first time, magkakaroon tayo ng anti-submarine helicopters, tamang- tama ito dahil bumibili tayo ng frigates. For the first time, magkakaroon tayo ng bagong frigates, ang daming first time dito sa ating modernization,”  pahayag pa ni DND Usec. Fernando Manalo.

Matatandaan na nakabili na noong nakaraang taon ng mga bagong chopper mula sa Agusta Westland ang bansa para sa Philippine Air Force na kinabibilangan ng mga bagong AW109E attack helicopter.

Bahagi pa rin ang pagbiling ito ng mga makabagong armas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) modenization program upang protektahan ang soberanya ng bansa.

Ang pagbili ng mga makabagong armas ay ginagawa rin ng administrasyong Aquino sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa West Philippine Sea.

Inaasahan na sa pagbili ng mga makabagong armas na ito ng AFP ay mas mapoprotektahan nila ang mga teritoryong sakop ng Pilipinas kasama na ang mga pinag-aagawang isla na bahagi ng Kalayaan Islands.-DCR

Advertisements