TRENDING VIDEO|Komiks ni Roxas ginawan ng bagong bersyon ng netizen

roxas comics

 

Kumakalat ngayon sa Facebook ang video na meme version hango sa kontrobersyal na komiks na ginawa para sa kampanya ni Liberal Party presidential candidate Mar Roxas.

Ang video ay pinamagatang “Sa Gitna ng Ungas” hango rin sa mismong pamagat ng komiks na “Sa Gitna ng Unos”. 

Ang 29 second video ay ipinost sa Facebook ng grupong Pixel Offensive na pinatatakbo ng mga taong kasapi sa national democratic movement.

Habang isinusulat ang balitang ito ay umaabot na sa 267, 921 views ang nakukuha ng video at mayroon naman itong 4,686 shares.

Matatandaan na umani ng kaliwa’t kanang batikos ang kontrobersyal na komiks ni Roxas kung saan ipinapakita ang mga ginawa nito habang siya ay nasa gobyerno.

Partikular na binira ng mga netizen at kritiko ni Roxas ang ilustrasyon na nagpapakita ng pagtulong umano nito sa mga taga Tacloban nang manalasa sa bansa ang bagyong Yolanda noong 2013.

Bago lumabas ang video ay una na rin ipinagtanggol ni Roxas ang paggamit sa komiks bilang campaign tool.

“Alam mo ‘yung mga natutuwa, maraming salamat sa mga natutuwa. Sa mga nagrereact ng negative, malamang mga kakampi sila ng aking mga katunggali, siguro nakita nila na epektibo ito kaya nagrereact sila nang negative,”  pahayag pa ni Roxas.

Ang komiks ay ginawa ng kilalang comic illustrator na si Karl Comendador na nagsabing isa siyang tagasuporta ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte at trabaho lang kaya niya ginawa ang naturang komiks.DCR

Advertisements