Bongbong hindi mananalong vice president- PNoy

Bongbong PNoy

Philippine President Benigno Aquino III and vice presidential bet Bongbong Marcos (Photo courtesy of politics.com.ph)

Hindi nakikita ni Pangulong Benigno Aquino III na mananalo bilang pangalawang pangulo ng bansa si Sen. Bongbong Marcos.

Ginawa ni Aquino ang pahayag sa gitna ng patuloy na pagtaas ni Marcos sa mga survey.

Sa kanyang pagdalo kahapon sa 16th  Publish Asia sa Manila Hotel tahasang sinabi ng Pangulo na naniniwala siyang hindi iboboto ng sambayanang Pilipino si Marcos kapag naalala ng mga ito ang madilim na kasaysayan ng bansa sa ilalim ng martial law.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos tanungin ng isang dayuhang mamamahayag kung ano sa tingin ni PNoy ang hinaharap ng bansa sakaling manalo si Marcos.

“At the end of the day, especially for the younger generation of Filipinos, they have now access to various means to make them experience what life was like under our Martial Law period, which happened from 1972 to 1986. They will realize that this is not consistent with their vision or their aspirations of what their life should be,” pahayag ng Pangulo.

Ipinunto rin ni Aquino ang patuloy na hindi pagkilala ni Marcos at paghingi ng tawad sa sambayanang Pilipino tungkol sa mga pang-aabusong naganap noong panahon ng panunungkulan ng ama nitong si dating Pangulong Ferdinand Marcos. 

“And then they will answer, I believe the question in this manner: Should we allow an opportunity, even vague at this point in time, for somebody who does not recognize the mistakes of that past to be in a position to commit the same mistakes somewhere in the future? And, I think, the answer will be a resounding no,” dagdag pa ni PNoy. 

Binatikos din ng Pangulo ang pahayag ng senador na ‘golden age’ ng bansa ang panunungkulan ng kanyang ama. Para kay Aquino ang naturang pahayag na ito ni Marcos ay taliwas sa opinyon ng mas nakararaming Pilipino.

Sa kabila naman ng patuloy na pagbungkal sa usapin ng martial law at korapsyon ay nananatiling matatag ang pwesto ni Marcos sa mga survey.

Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng ABSCBN at ginawa noong Marso 8-13 ay nalamangan na ni Marcos ang katunggali sa pagka-bise presidente na si Sen. Chiz Escudero.

Nakakuha si Marcos 25% habang may 24% naman si Escudero.

Sa huling survey naman ng Social Weather Station noong Marso 4-7 ay halos dikit ang laban ng dalawa. Nakakuha si Escudero ng 28% sa survey habang may 26% naman si Marcos.

Kabilang naman sa pinakahuling nag-endorso sa kandidatura ni Marcos ay dating pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada.-DCR

Advertisements