Duterte binigyan na ng ‘blessing’ ni Pope Francis

Bong Go

Vatican letter for PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte (Photo courtesy of Bong Go)

Binigyan na ng basbas ni Pope Francis si Davao City Mayor at PDP-Laban presidential bet Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos matanggap ng kampo ni Duterte ang sulat mula sa Vatican City.

Ang kopya ng sulat ay ipinost mismo ng chief of staff ni Duterte na si Christopher Bong Go sa Facebook nito.

Base sa sulat na may petsang Pebrero 24, 2016, sinabi ni Archbishop Giovanni Angelo Becciu na natanggap ni Pope Francis ang liham ni Duterte dito noon pang Enero 21, 2016.

Si Becciu ang inatasan ng Santo Papa na sumulat kay Duterte. Ang arsobispo din ang kasalukuyang Substitute for General Affairs ng Vatican.

Ayon Becciu, naiitindihan ng Santo Papa ang nilalaman ng liham ni Duterte para sa kanya.

Bago nito ay sinabi na ni Duterte sa kanyang kampanya sa Ubay, Bohol na sumulat sa kanyang si Pope Francis. Aniya, sinulatan niya noong Enero ang Santo Papa para sa katahimikan ng kanyang kalooban at hindi dahil sa pulitika.

Si Duterte ay humingi ng paumanhin sa Santo Papa matapos na madawit ang pangalan nito sa isa sa kanyang mga talumpati.

Matatandaan na umani ng batikos si Duterte dahil sa tila pagmumura niya sa Santo Papa makaraang maipit sa trapik noong ito ay dumalaw dito noong Enero 2015.

Sa kabila nito ipinarating din ng Vatican kay Duterte na nais ng Santo Papa na malaman nitong isasama siya nito sa kanyang panalangin kasabay ng pagbibigay dito ng kanyang basbas para sa kapayapaan at liwanag ng kaisipan.-DCR

 

Advertisements