Duterte pambansang berdugo, mamamatay tao- VP Binay

digong binay.png

Photo courtesy of CNN Philippines and kickerdaily.com

Pambansang berdugo at bully. 

Ganito inilarawan ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang katunggali sa pagka-pangulo na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Bukod sa pagiging berdugo ay tahasan ding tinawag ni Binay si Duterte na mamamatay tao.

“Hindi ka pa presidente Mister berdugong mamamatay tao pero alam na ng mga tao na kapag ikaw ay manalo huwag naman sana – ay bawal na silang magsalita, bawal kumontra,” pahayag ni Binay. 

Binanatan din ng bise presidente si Duterte sa umano’y pananakot nito partikular sa mga mahihirap. 

“Palagi mo na lang tinatakot ang mga mahihirap. Palagi mo na lang pinapatay ang mahihirap. Pinagyayabang mo na ipagpapatuloy mo ang pagpatay sa mahihirap at mga pinagsususpetsahan mo na lumabag sa batas kapag ikaw ay magiging pangulo. Hindi ako papayag sa maling ginagawa mo,” pahayag pa ng vice president. 

Ang tahasang pagbira ni Binay kay Duterte ay halos kasabay ng pag-arangkada ng ratings ng alkalde sa pinakahuling Social Weather Station (SWS) survey.

Sa pinakahuling survey ng SWS na inilabas kahapon ay nakuha na ni Duterte ang number one spot kung saan nakapagtala ito ng 27% habang pumangalawa lamang ang dating nangunguna na si Sen. Grace Poe na may 23%. 

Pangatlo lamang si Binay sa naturang survey na ginawa noong Marso 30- Abril 2 matapos magtala ng 20%.-DCR

 

Advertisements