VIRAL VIDEO|Duterte hindi dapat maging pangulo- Binay

“Hindi dapat maging pangulo ang isang tulad ni Mr. Duterte”.  

Ito ang tahasang sinabi ngayon ni Vice President Jejomar matapos i-post ng kanyang kampo sa kanilang official Facebook page ang isang video.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nakakuha na ng 1.1 million views ang video. Mayroon na rin itong higit 21,200 shares at higit 16,700 comments.

Sa video ay tahasan ding pinaratangan ni Binay si Duterte na siyang pinuno ng Davao Death Squad. 

Hi magandang umaga po sa inyo mga kababayan. Napapanahon po tayo ngayon na harapin na ito ay moral responsibility natin, sa ating pagkatao, at ating kausapin ang ating mga kababayan na huwag iboto, hindi dapat maging pangulo ang isang tulad ni Mr. Duterte,” panimula ni Binay sa kanyang video. 

Ayon pa sa bise presidente, hindi dapat maging pangulo ng bansa si Duterte dahil sa pagpatay umano nito sa mga bata at mga inosenteng tao. 

“Hindi po dapat mapunta sa yugot na magsisisi ang sinumang boboto. Ang dapat nga mangyari ay ipagmamalaki ang kanyang ibinoto. Pero kay Duterte, kapag  nangyari sa inyo ang ginawa niya sa Davao, na pagpatay ng mga bata, mahihirap, mga mangmang batay lamang sa kanyang suspetsyang may ginawang mali, lumabag sa batas, tsaka ka pa magsisisi kapag ginawa sa’yo at pinatay ang iyong mahal sa buhay,” pahayag pa ni Binay.

Sa huli hinimok ni Binay ang lahat na hindi dapat mangyari sa bansa ang mga sinasabi ni Duterte dahil magiging masahol pa umano ito kaysa sa naranasang martial law ng mga Pilipino noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos. 

Sari-saring komento naman ang tinanggap ng video ni Binay simula ng i-upload ito sa kanyang Facebook page kaninang umaga. 

Ang hakbang ay ginawa ni Binay isang araw matapos sunod sunod na ilabas ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS) ang pinakahuling resulta ng kanilang mga survey kung saan nangunguna na sa pagka-pangulo si Davao City Mayor at PDP-Laban presidential aspirant Rodrigo Duterte.

Sa huling survey ng SWS na ginawa noong Marso 30 hanggang Abril 2 nakakuha si Duterte 27%. Sa naturang survey ay pumangatlo na lamang si Binay.

Sa survey naman ng Pulse Asia na ginawa noong Marso 29 hanggang Abril 3 nanguna din ang alkalde matapos makakuha ng 30% habang pumangatlo muli dito si Binay katabla si Liberal Party presidential bet Mar Roxas.

Ang pangatlong nationwide survey naman ng MBC-DZRH na ginawa noong April 2 lamang ay pinangunahan din ni Duterte kung saan nakakuha na ito ng 37%. Sa naturang survey ay pangatlo lamang din si Binay na mayroong 15.3%.

Dahil sa nabanggit na survey ay inaasahan na ang pagbanat sa alkalde ng Davao City lalo pa at 26 na araw na lamang bago ang halalan.

Sa kanyang mga campaign rally tahasang ipinapangako ni Duterte na reresolbahin niya ang korupsyon at kriminalidad sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.-DCR

 

Advertisements