VIRAL VIDEO| Mayor Duterte umiyak sa isang charity event

rty

Viral ngayon sa social media ang video kung saan nakunan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na pigil sa pagluha habang kapiling ang ilang bata sa isang charity event sa Davao City.

Ang naturang video ay ibang-iba sa madalas makita ng mga netizen na matapang at palabang imahe ng alkalde.

Sa video ay mapapanood na nag-alay ng kanta ang mga bata sa alkalde. Ang kanta ni Yeng Constatino na “Salamat” ang kinanta ng mga cancer patient para kay Duterte.

Sa pagsasaliksik ng The Manila Journo, nabatid na ang video ay kinunan noon pang December 8, 2014 sa isang charity event sa House of Hope sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.

Ang naturang lugar ang siyang kumakalinga sa mga bata na mayroon nang terminal cancer.

Sa umpisa ng ng video ay makikitang inaawitan pa ni Duterte ng “Merry Christmas” ang mga bata bago lumapit ang mga ito sa kanya at nag-alay ng awit. Sa huli ay isa-isang lumapit sa alkalde ang mga bata para bigyan siya ng rosas.

Ayon sa chief of staff ng alkalde na si Bong Go, madalas na sa mga ispesyal na okasyon tulad ng kaarawan mismo ni Duterte ay nawawala ito at nagpupunta sa naturang lugar upang magbigay saya sa mga batang maysakit.

Ang video na na ini-upload sa Facebook ng isang Jaime Munda noong Marso 28 ay mayroon na ngayong higit 988,000 views at mahigit 23,000 shares. 

Sa kanyang campaign ad laban kay Duterte sinabi ng katunggali nito sa pagka-pangulo na si Vice Pres. Jejomar Binay na hindi dapat maging pangulo ang alkalde.

Ayon kay Binay pinapatay ng alkalde maging ang mga bata sa Davao City.

Pero kay Duterte, kapag  nangyari sa inyo ang ginawa niya sa Davao, na pagpatay ng mga bata, mahihirap, mga mangmang batay lamang sa kanyang suspetsyang may ginawang mali, lumabag sa batas, tsaka ka pa magsisisi kapag ginawa sa’yo at pinatay ang iyong mahal sa buhay,” pahayag pa ni Binay.

Sa kanyang kampanya ay tahasan ng sinabi ng alkalde na kung siya ang magiging pangulo ng bansa ay lulutasin niya ang problema ng droga, krimen at korupsyon sa bansa sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan.

Paniniguro pa ni Duterte sakaling hindi niya magawa ito ay aalis siya sa pagka-pangulo matapos ang anim na buwan.-DCR

 

Advertisements