Duterte muling nanguna sa bagong Pulse Asia survey

Pulse

Patuloy sa pangunguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte batay sa pinakahuling survey na ginawa ng Pulse Asia.

Ang survey ay ginawa noon lamang April 5-10 na nilahukan ng 4,000 respondents at kinomisyon ng ABSCBN.

Sa naturang survey ay nakakuha na si Duterte ng 32% habang pumangalawa naman ang dating frontrunner na si Sen. Grace Poe na mayroon na lamang 25%.

Sa naturang survey ay tumaas ng dalawang puntos ang ratings ni Duterte kumpara sa survey ng Pulse Asia noong Marso 29- Abril 3.

Pumangatlo naman sa survey si Vice Pres. Jejomar Binay na may 20% habang pang-apat si Liberal Party presidential bet Mar Roxas na may 18%.

Nananatili naman sa ikalimang pwesto si Sen. Miriam Defensor-Santiago na mayroong 1%.

Kung pagbabasehan ang lugar, malaking porsyento ng mga taga Metro Manila ang pumabor kay Duterte na nakakuha ng 32%. 

Ang Luzon naman ay pumabor kay Poe matapos makakuha siya rito ng 32%. 

Sa Visayas naman ay si Roxas ang nakapagtala ng pinakamataas na resulta na may 35% habang malaking bahagi ng Mindanao ang kinuha ni Duterte kung saan 55% ang natamo niya dito.

Kapansin pansin din na si Duterte ang nakakuha ng pinakamataas na paborableng tugon sa lahat ng social class o antas sa buhay. 

Sa class ABC ay nakapagtala si Duterte ng 37%, sa class D ay 32% habang sa mga pinakamahihirap o class E ay 31% ang nakuha ng alkalde.

Ang survey ay ginawa higit isang linggo bago sumambulat ang kontrobersyal na pahayag ni Duterte tungkol sa isang Australian hostage victim noong 1989.

Sa kasalukuyan ay patuloy sa pag-ani ng batikos si Duterte matapos nitong sabihin na “mayor ang dapat nauna”  makaraang mapatay at gahasain umano ng mga kriminal ang naturang banyagang biktima.

Sa kabila nito ay nilinaw na ni Duterte ang video na siyang ugat ng batikos sa kanya ngayon at sinabing hindi isang “rape joke”  ang kanyang binitiwan kundi isang “gutter language”  dala ng kanyang galit sa sinapit ng biktima.(Demetrio Ragua)DCR

 

Advertisements