Duterte nag-sorry kaugnay ng kontrobersyal na statement sa ‘rape’

Mayor Digong

Screenshot from the video produced by CinEmotion Digital Films

Makaraang umani ng kaliwa’t kanang batikos dahil sa kanyang kontrobersyal na pahayag tungkol sa rape ay humingi na ng paumanhin si Davao City Mayor at PDP-Laban presidential bet Rodrigo Duterte ngayong araw.

Sa statement na ipinadala ng kampo ni Duterte sa media ay humingi ito ng paumanhin sa sambayanang Pilipino partikular sa mga nadismaya at nasaktan sa kanyang pahayag.

Ayon sa alkalde, hindi niya layunin sa kanyang pahayag na bastusin ang mga kababaihan lalo na ang mga naging biktima ng karumaldumal na krimen.

“I apologize to the Filipino people for my recent remarks in a rally. There was no intention of disrespecting our women and those who have been victims of this horrible crime. Sometimes my mouth can get the better of me,” pahayag ng alkalde.

Kasabay nito ay nangako si Duterte na kung sakaling bigyan siya ng pagkakataon at manalong pangulo ng bansa ay poprotektahan niya ang lahat lalo na ang mga bata at kababaihan kahit pa ang kapalit nito ay ang kanyang sariling buhay. 

“If you will give me the chance to lead this country, I promise to all of you that I will protect our women, children and families from the horrors and disorder of crime. I will do this even if I lose my life, my honor and even the presidency.”

“My life is an open book. I am a man of many flaws and contradictions. But when it comes to securing the lives and future of our countrymen and women, you can trust me to do the right thing. I will fight for the people until my last breath,” pahayag pa ni Duterte.

Ayon pa sa alkalde galit siya dahil hanggang sa ngayon ay patuloy na dumaranas ang mga Pilipino ng karumal dumal na krimen. 

“I have witnessed these myself numerous times. This is why I am angry. I am angry because horrendous things like this continue to happen to our women and children all over our land,” pahayag pa nito. 

Ang isyu ay nag-ugat sa pahayag na ginawa ni Duterte sa kasagsagan ng kanyang campaign rally sa Amoranto Stadium, Quezon City noong Abril 12.

Ang napasok sa isip ko, ni-rape nila, pinagpilahan nila lahat don. Nagalit ako kasi ni-rape? Oo. Isa rin ‘yun. Pero napakaganda. Dapat, ang mayor muna ang mauna, sayang,”  maririnig na pahayag ni Duterte sa kumalat na video.

Sa naturang okasyon ay ikinikwento ni Duterte ang naging papel niya pagpaslang sa ilang bilanggong nang-hostage sa isang Australian missionary sa loob ng kulungan na kalaunan ay pare-parehong namatay noong 1989.

Ang paghingi ng paumanhin ay ginawa rin ng alkalde kasabay ng paglabas ng ulat tungkol sa patuloy nitong pangunguna base sa pinakahuling survey na ginawa ng Pulse Asia.

Sa survey na ginawa noong April 5-10 na nilahukan ng 4,000 respondents at kinomisyon ng ABSCBN ay nakakuha na si Duterte ng 32% habang pumangalawa naman ang dating frontrunner na si Sen. Grace Poe na mayroon na lamang 25%.-DCR

 

 

Advertisements