Santiago-Robredo nanguna sa UP Diliman election survey

Women power! 

Ganito ang naging resulta ng presidential at vice presidential survey na nilahukan ng mga iskolar ng bayan sa University of the Philippines- Diliman.

Ang survey ay mayroong 710 respondents at ginawa ng UP Statistical Society noong Abril 13-15.

up1.png

Graphics courtesy of UP Statistical Society

Nanguna sa pinili upang maging pangulo ng bansa ng mga taga UP si Sen. Miriam Defensor-Santiago na nakakuha ng 57.05% o katumbas ng 405 estudyante. 

Pangalawa naman sa kanya si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na mayroong 13.52%. 

Pumangatlo si Sen. Grace Poe na nakakuha ng 9.01%.

Nasa pang-apat na pwesto si Liberal Party presidential bet Mar Roxas na may 7.32% habang panghuli si Vice Pres. Jejomar Binay na nakakuha ng 0.85%.

Nasa 12.25% naman ng mga respondents ang nag-abstain sa pagpili ng nais nilang maging pangulo.

Para naman sa laban kung sino ang nais ng mga iskolar ng bayan na maging pangalawang pangulo, nakuha ni Rep. Leni Robredo ang pinakamataas na puntos matapos magtala ng 71.97%.

up2.png

Graphics courtesy of UP Statistical Society

Pumangalawa sa kanya si Sen. Alan Peter Cayetano na mayroong 8.03%. Pangatlo si Sen. Chiz Escudero na may 6.20%.

Pang-apat si Sen. Bongbong Marcos na may 4.93% habang nakakuha si Sen. Antonio Trillanes ng 1.69% samantalang nasa panghuling pwesto si Sen. Gringo Honasan na may 0.42%.

Umabot naman sa 6.76% ang nag-abstain sa pagpili para sa vice president.

Ang resulta ng survey sa UP Diliman ay hindi rin nalalayo sa naging resulta ng mock poll na ginawa naman sa UP Manila noong Enero 22.

Sa naturang mock poll ay nanguna rin sina Santiago at Robredo sa mga pinili ng mga estudyante doon.-(Demetrio Ragua)DCR

 

Advertisements