Binay, Duterte at Roxas lumapit na sa INC para sa endorsement sa halalan

Mar.jpg

LP bet Mar Roxas with INC Executive Minister Eduardo Manalo and Ms. Korina Sanchez (Photo from Rappler)

Ilang linggo bago ang halalan sa Mayo 9 ay nilapitan na ng mga naglalabang presidentiable ang kapatiran ng Iglesia Ni Cristo (INC) para ilatag dito ang kanilang plataporma at hingin ang kanilang pag-endorso para sa papalapit na halalan.

Noong nakaraang linggo naganap ang pagbisita ng tatlo sa INC Central Office sa Quezon City. 

Sila ay hinarap mismo nang tagapamahalang pangkalahatan ng INC na si Ka Eduardo Manalo.

Una sa kanilang bumisita si Liberal Party presidential bet Mar Roxas. Kasama niyang dumalaw ang kanyang asawa na si Korina Sanchez. 

Naganap ang pagdalaw ng dalawa noong April 19.

Binay.jpg

VP Jejomar Binay (Photo from Eagle News) 

Sunod namang bumisita sa pamamahala ng INC si Vice Pres. Jejomar Binay noong April 21.

“Humingi po ako ng tulong. Dumudulog po ako rito na sana ay masuportahan ako ng kapatiran,” pahayag ni Binay sa isang interview matapos ang pulong. 

Umaga naman noong April 22 nang bisitahin ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pamamahala ng INC.

Hindi idinetalye nang tatlong kandidato ang mga napag-usapan sa kanilang pakikipagpulong kay Manalo. 

Sa kabila nito inamin naman ni Duterte na siya mismo ang sumulat sa INC at nagpahayag ng kanyang pagnanais na makipag-usap sa kanila.

Duterte INC.jpg

PDP-Laban presidential bet Rodrigo Duterte (Photo from Eagle News) 

Sa isang pahayag sinabi ng alkalde na siya ay nagagalak na makausap ang pamamahala ng Iglesia.

“Ako ay nalulugod at nagkaroon ako ng pambihirang pagkakataon na makausap siya at mailahad ang aking plataporma at pangarap para sa bansa kung saan ang milyun-milyong kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC) ay aktibong kabahagi,” pahayag ni Duterte sa isang statement. 

Ayon pa kay Duterte inilatag niya sa pamamahala ng Iglesia ang kanyang mga plataporma sakaling maging pangulo. Pahayag pa ng alkalde sakaling maging presidente ay makakaasa sa kanyang tulong maging ang mga kaanib ng INC.

“Kung nanaisin ng Banal na Panginoon at ako ay mahalal sa darating na eleksyon, makakaasa ang milyun-milyong miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na ipaglalaban ko ang kanilang karapatan at kapakanan bilang mamamayan at mananampalataya. Gabay ang Diyos at sa tulong ng mamamayang Pilipino, isusulong natin ang tunay na pagbabago,” pahayag pa ni Duterte.

Bago nito ay nagtungo na rin doon si Sen. Grace Poe subalit ang nakaharap naman nito ay ang political affairs chief  ng Iglesia na si Ka Eraño Codera.

Ang INC ay kilala sa tinatawag na bloc voting. Dito ay pinagpapasyahan ng pamamahala ng Iglesia kung sinu-sino ang kanilang mga iboboto para sa halalan.

Ang desisyon ay binabasa sa bawat pagsamba bukod pa sa sample ballot na ipinamamahagi ng INC sa mga kaanib nito. 

Ang sinumang i-endorso ng Iglesia ay nakakatiyak ng milyong boto dahil sinusunod ng mga miyembro nito ang tagubilin ng kanilang pamamahala.

Naniniwala ang mga kaanib ng INC sa kaisahan sa pagboto o pagpili ng lider dahil bahagi ito ng doktrinang kanilang sinasampalatayanan na nakabase naman sa Bibliya.-DCR

 

Advertisements