Duterte No.1 pa rin sa bagong SWS survey sa kabila ng ‘rape joke’

1

Davao City Mayor Rodrigo Duterte (Photo courtesy of Duterte Cayetano Facebook) Insert Photo from L to R Sen. Grace Poe, VP Jejomar Binay, Sec. Mar Roxas and Sen. Miriam Defensor-Santiago (Image from abscbnnews.com

Sa kabila ng kontrobersyal na statement tungkol sa rape ay lalo pang napanatili ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang kanyang pangunguna base sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS).

 

Ang bagong survey ng SWS ay ginawa noong Abril 17-20 na kasagsagan ng pambabatikos kay Duterte matapos magbitaw ng kontrobersyal na pahayag sa rape habang ikinikwento ang malagim na sinapit ng isang Australian missionary noong 1989. Ang rape statement alkalde ay naganap noong April 12 subalit nagsimulang maging viral sa media madaling araw ng April 17.

Aabot sa 1,800 respondents ang lumahok sa survey kung saan tig- 300 respondents ang nagmula sa Metro Manila, North Luzon, South Luzon, Visayas, North Mindanao at South Mindanao.

Nakakuha si Duterte ng 33% habang ang dating nangunguna na si Sen. Grace Poe ay mayroon na lamang 24%.

Pangatlong pwesto si Liberal Party candidate Mar Roxas na mayroong 19% habang pang-apat si Vice Pres. Jejomar Binayna mayroong 14%. 

Nakakuha naman ng 2% si Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Una nang sinabi ng ilang political analyst na makakaapekto sa ratings ni Duterte ang kontrobersyal na rape joke issue.

Sa kabila nito ay tila hindi naman natitinag ang suportang nakukuha ng alkalde sa taumbayan. 

Bukod sa SWS survey na lumabas ngayong araw ay naglabas na rin kahapon ng bago nilang survey ang Pulse Asia.

Batay sa survey na ginawa noong April 12-17 ay nakakuha na si Duterte ng 34% habang nakakuha naman si Poe dito ng 22%. Sinundan sila ni Binay  19%, Roxas 18% at  Santiago 2%.-DCR

Advertisements