‘RAPE REMARKS’ WALANG EPEKTO| Duterte patuloy ang pagtaas sa pinakabagong Pulse Asia survey

Patuloy ang pag-arangkada ni Davao City Mayor at PDP Laban presidential bet Rodrigo Duterte sa pinakabagong survey na ginawa ng Pulse Asia.

Ang survey na tinawag na ‘Pulso ng Bayan’ at inilabas ngayong Martes ay ginawa noong Abril 16 hanggang 20 at nilahukan ng 1,800 respondents. Umabot sa  plus minus 2.3% ang margin of error nito.

Sa bagong survey na ito ay nakakuha si Duterte ng 35% kung saan lamang na siya ng 12 puntos kumpara sa pumapangalawang si Sen. Grace Poe na nakakuha ng 23%.

Statiscally tied naman sina Liberal Party presidential bet Mar Roxas na may  17% at Vice President Jejomar Binay na may 16%.

Nasa panghuling pwesto pa rin si Sen. Miriam Defensor-Santiago na may 2%. 

Lumalabas na hindi nakaapekto kay Duterte ang kaliwa’t kanang batikos na inabot nito matapos ang kontrobersyal na statement nito tungkol sa rape. 

Lumabas sa survey na nangunguna na rin si Duterte sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.

Nakakuha si Duterte sa National Capital Region ng 40%, sa Visayas ng 32% at Mindanao ng 58%.

Ang Luzon ay nakuha naman ni  Poe kung saan mayroon siya ritong 28%.

Pagdating sa social class ay nangunguna pa rin si Duterte sa lahat ng antas. Sa class ABC ay nakakuha siya ng 43%, class D 32% at class E 40%. 

Si Duterte ay umani ng batikos matapos ang kanyang pahayag tungkol sa rape habang ikinikwento ang malagim na sinapit ng isang Australian missionary hostage victim sa Davao City noong 1989.

Bagama’t binitawan ni Duterte ang kanyang pahayag noong April 12 ay April 16 lamang ito nagsimulang pumutok sa social media. -DCR

 

 

 

Advertisements