Bongbong Marcos inendorso na ng Iglesia Ni Cristo

bongbong

Insert photo left: Sen. Bongbong Marcos from Bongbong Marcos Facebook  Background Photo inside of INC Central Temple courtesy of incmedia.org  Insert photo right: INC Executive Minister Eduardo Manalo 

Pormal nang nakuha ni Sen. Bongbong Marcos ang suporta ng Iglesia Ni Cristo para sa pagka-bise presidente para sa magaganap na halalan sa Mayo.

Ang kumpirmasyon ay nagmula mismo sa senador.

Ayon kay Marcos, noong Martes lamang niya nalaman na siya ang napili ng pamamahala ng INC na dalhin sa darating na halalan.

Kasabay nito ay nagpapasalamat si Marcos sa buong kapatiran ng Iglesia para sa tiwalang ibinigay nito sa kanya.

Sa kabila ng kumpirmasyon mula kay Marcos, hanggang sa ngayon ay wala pa ring napipili na kandidatong susuportahan sa pagka-pangulo ang INC.

Mahalaga para sa mga kandidato ang bloc voting na ibinibigay ng Iglesia.

Ang mga miyembro nito ay kilalang sumusunod sa pagboto sa mga kandidatong ini-endorso at pinipili ng Tagapamahalang Pangkahalatan ng INC na si Ka Eduardo Manalo.

Naniniwala ang mga miyembro na ang kaisahan sa isang bagay ay kabilang sa mga aral na nasa Bibliya na kanila namang sinasampalatayanan.

Inaasahan na ilalabas sa mga pagsamba ngayong weekend o hanggang sa mga pagsamba sa Miyerkules at Huwebes ng susunod na linggo ang sirkular para sa mga kandidatong susuportahan ng pamamahala ng Iglesia.

Ang pagsuporta ng Iglesia kay Marcos ay hindi na bago. Noong kumandidato ito bilang senador ay kasama siya sa mga inendorso ng kapatiran.

Sa lahat din ng sinalihang kandidaturang ng ama ng senador na si dating pangulong Ferdinand E. Marcos ay idinala ito ng INC.-DCR

Advertisements