Duterte-Marcos No.1 pa din sa bagong Pulse Asia survey

Nangunguna pa rin sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Bongbong Marcos batay sa pinakabagong survey ng Pulse Asia para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.

Ang survey na inilabas 10 araw bago ang halalan sa Mayo 9 ay ginawa noong Abril 19-24 at nilahukan ng 4,000 respondents.

Batay sa survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng ABSCBN, si Duterte ay nakakuha ng 33% habang ang pinakamalapit nitong katunggali sa pwesto na si Sen. Grace Poe ay mayroong 22%. 

Nasa ikatlong pwesto naman si Liberal Party presidential bet Mar Roxas na may 20%.

Pang-apat sa kanila si Vice Pres. Jejomar Binay na may 18% habang nasa 2% naman ang nakuha ni Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Sa pagka pangalawang pangulo ay nangunguna pa rin si Marcos na napabalitang inendorso na ng Iglesia Ni Cristo. Ang senador ay mayroong 31%. 

Pumangalawa  sa kanya sa vice presidential race si Liberal Party bet Cong. Leni Robredo na may 26%. Sunod sa kanila sa ikatlong pwesto si Sen. Chiz Escudero na may 18%.

Si Sen. Alan Peter Cayetano ay pang-apat matapos makakuha ng 15%. Mayroon namang 3% na nakuha si Sen. Antonio Trillanes at nasa panghuling pwesto si Sen. Gregorio Honasan na may 2%.

Pagdating sa lugar ay nanguna pa rin si Duterte sa Metro Manila kung saan mayroon siyang 36% habang 24% naman ang nakuha ni Poe.

Sa kabuuan naman ng Luzon ay nanguna si Poe na mayroong 29%. 

Ang Visayas ay nakuha ni Roxas kung saan mayroong siya ritong 37% habang ang Mindanao ay nakuha ni Duterte kung saan mayroon siya ritong 58%.

Napanatili din ni Duterte ang pangunguna nito kung ang pagbabatayan ay ang social classes ng mga respondent.

Sa class ABC ay nakakuha siya ng 37%, sa class D ay 33% at sa class E ay 31%.

Sa pagka bise presidente naman si Marcos ang nangunguna sa Luzon kung saan nakakuha ito ng 38% at sa Metro Manila matapos makapagtala ng 45%.

Pagdating sa Visayas ay nanguna naman si Robredo na may 39%.

Sa Mindanao ay nanguna naman si Cayetano na nakapagtala ng 31%. 

Pagdating sa antas ng pamumuhay ng mga respondent si Marcos ang nanguna sa class ABC matapos makakuha ng 38%. Sa class D ay nakuha rin nito ang mayorya matapos magtala ng 31% habang si Robredo naman ang nanguna sa class E na mayroong 30%.-(Demetrio Ragua)DCR

Advertisements