OPISYAL AT KUMPIRMADO NA| Iglesia Ni Cristo inendorso na si Duterte

Article first published April 30, 2016

First updated May 04, 2016 10: 55 AM

Second update May 04, 9:00 PM

 

Duterte INC

INC Executive Minister Eduardo Manalo and PDP Laban presidential bet Rodrigo Duterte during a meeting in INC Central Office last April 22.  (Image screenshot from the video produced by Net 25) 

 

Opisyal nang inendorso ngayong araw (Miyerkules, Mayo 4) ng Iglesia Ni Cristo sina PDP Laban at Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Bongbong Marcos sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo para sa darating na halalan sa Mayo 9. 

Ang sirkular ay binasa mismo ng Tagapamahalang Pangkalatahan ng Iglesia Ni Cristo na si Ka Eduardo Manalo.

Kasabay nito ay pinaalalahanan ng Pamamahala ang mga kaanib na bumoto ng may pagkakaisa sa darating na Lunes. 

Ang pag-endorso kay Duterte ay unang inilathala ng The Manila Journo noong Abril 30 matapos makumpirma mismo sa mga mapagkakatiwalaang source na miyembro ng INC.

Bago nito, isang balita ang agad na kumalat sa social media umaga pa lamang ng Miyerkules. Isang larawan din ng sample ballot mula umano sa INC ang ini-upload ng PTV-4 Telebisyon ng Bayan sa kanilang Twitter page. 

Inaasahan na babasahin ang katulad na sirkular para sa mga ineendorsong kandidato ng INC sa mga pagsamba sa lahat ng lokal ng INC dito sa Pilipinas at sa buong mundo.

Ang pamamahagi ng official sample ballot ng INC sa mga kaanib nito ay inaasahang magsisimula sa bukas araw Biyernes. 

Bukod kina Duterte at Marcos ay inendorso rin ng INC ang 12 senatorial candidate. 

 JOEL VILLANUEVA (LP)
FRANK DRILON (LP)
VICENTE SOTTO (NPC)
MANNY PACQUIAO (UNA)
RALPH RECTO (LP)
DICK GORDON (IND)
RISA HONTIVEROS (AKBAYAN)
WIN GATCHALIAN (NPC)
FRANCIS TOLENTINO (IND)
MIGZ ZUBIRI (IND)
PANFILO PING LACSON (IND)
MARTIN ROMUALDEZ (LAKAS)


 

ORIGINAL ARTICLE PUBLISHED ON APRIL 30, 2016

Nakapagdesisyon na umano ang pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) para sa susuportahan nilang kandidato sa pagka-pangulo sa darating na halalan. 

Ito ang sinabi ng mapagkakatiwalaang sources ng The Manila Journo.

Ayon sa mga source, si Davao City Mayor at PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte ang napili ng INC para suportahan ng kanilang kapatiran ngayong eleksyon.

Sa kabila nito hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay wala pa ring opisyal na ineendorso ang kapatiran ng INC.

Ang impormasyon ay nagmula pa lamang sa mga source ng Manila Journo.

Inaasahan na babasahin ang sirkular sa mga kaanib para sa mga susuportahang kandidato ng INC ngayong Sabado at Linggo o hanggang sa susunod na pagsamba sa Miyerkules at Huwebes sa susunod na linggo.

Bago nito ay nauna nang kinumpirma si Sen. Bongbong Marcos na siya ang dadalhin ng INC para sa pagka-pangalawang pangulo. 

Sa isang pahayag naman ni INC Spokesman Ka Edwil Zabala sa GMA News Online, sinabi nitong wala pang opisyal na pahayag ang kanilang kapatiran sa kung sino ang kanilang mga napiling suportahan para sa halalan sa May 9.

“Basta sa ngayon ay wala pa kaming opisyal na ine-endorso. Maaring mayroon nang napili ang pamunuan pero wala pa kaming ina-announce,” pahayag pa ni Zabala.

Tinatayang nasa humigit kumulang dalawang milyon ang inaasahang boto mula sa INC batay sa ilang political analyst.

Ang bloc voting naman ay isang gawain na pinahahalagahan at sinusunod ng mga kaanib ng Iglesia dahil kanilang sinasampalatayanan ang aral na dapat silang makiisa sa mga desisyon ng kanilang pamamahala. 

Noong nakaraang linggo ay halos magkakasunod na bumisita sa INC Central Office ang mga kandidato sa pagka-pangulo at kabilang sa mga ito si Duterte.

Sa isang panayam sinabi ni Duterte na hiniling niya sa INC kung maaari siyang makadalaw dito.

Sa kanyang pagtungo sa INC Central Office ay nakipagpulong ito mismo kay INC Executive Minister Ka Eduardo Manalo. 

Ayon sa alkalde, kabilang sa kanilang napag-usapan ay ang kanyang mga plataporma sakaling manalo bilang pangulo.

Batay naman sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na ginawa noong Abril 19-24 at inilabas kahapon10 araw bago ang halalan sa Mayo 9 si Duterte ay nangunguna pa rin at nakakuha na ng 33%. -DCR

 

Advertisements