Berdugo effigy ni PNoy ipaparada ngayong Labor Day

pnoy

PNoy’s effigy  for Labor Day 2016 in Manila depicting him as butcher and US puppet (Photo by Prof. Gerry Lanuza)

Ipaparada at nakatakdang sunugin ng iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ngayong araw ang isang effigy ni Pangulong Benigno Aquino III kasabay ng paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. 

Kaliwa’t kanang kilos protesta din ang ikinasa ng mga militanteng grupo para gunitain ang Labor Day kasabay ng pagkundena nila sa anila’y patuloy na pagpapabaya ng gobyernong Aquino sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.

Kabilang sa mga lugar na target ng mga militante ay ang US Embassy at Mendiola sa Maynila.

Ilan sa mga itinutulak na isyu ng KMU ay ang pagpapatupad ng P750 minimum wage sa bansa.

Patuloy din ang panawagan ng KMU ngayong taon sa isyu ng kontraktwalisasyon na patuloy umanong pahirap sa mga obrero.

Kasabay ng Labor Day ay kinokondena rin umano ng KMU ang patuloy na pag-abandona ng gobyernong Aquino sa mga manggagawa at magsasaka. 

Kinokondena rin ng grupo ang marahas na dispersal na naganap sa Kidapawan City noong Abril na ikinamatay ng ilang magsasaka at ikinasugat ng maraming raliyista.

Ang marahas na dispersal ay naganap matapos gamitan ng baril ng mga pulis ang libu-libong magsasaka na nagtungo sa Kidapawan City para humingi ng bigas at pagkain dahil sa tindi ng El Niño sa kanilang mga lugar.-DCR

 

Advertisements