Former Chief Justice Corona pumanaw na

Corona.jpg

Former Chief Justice Renato Corona 

Pumanaw na si dating Chief Justice Renato Corona. 

Ang dating punong mahistrado ng Supreme Court (SC)  ay pumanaw noong Biyernes (Abril 29) ng madaling araw sa The Medical City sa Pasig City dahil sa cardiac arrest sa edad na 67. 

Si Corona ay ipinanganak noong Oktubre 15, 1948 sa Sta. Ana, Maynila.

Siya ang ika 23 punong mahistrado ng SC at nanungkulan bilang punong mahistrado noong Mayo 17, 2010 at bumaba sa pwesto noong Mayo 29, 2012 matapos mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment.

Nagsimula ang kanyang panunungkulan sa SC noong Abril 9, 2002 matapos siyang italaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang associate justice. 

Nagtapos ng kursong abogasya si Corona sa Ateneo De Manila University noong 1974.

Bukod dito ay nag-aral din ang dating punong mahistrado sa University of Santo Tomas at Harvard University sa Estados Unidos.

Isa sa mga hindi malilimutang desisyon ni Corona habang ito ang punong mahistrado ay ang pagkakabigay ng 6,400 ektaryang lupain na sakop ng Hacienda Luisita sa Tarlac para sa mga magsasaka.

Ang desisyong ito ng SC sa ilalim ni Corona ang isa sa sinasabing dahilan kung bakit pinursige ng administrasyong Aquino na siya ay mapatalsik sa pwesto.

Sa ngayon ang labi ni Corona ay nakahimlay sa The Heritage Park sa Taguig City.

Ito ay bukas sa publiko at sa lahat ng nais makiramay subalit pinapakiusapan ang media na huwag magdala ng kamera sa lugar kung saan nakalagak ang dating punong mahistrado.

Hinihiling ng pamilya Corona na makipag-ugnayan muna sa kanila ang sinumang miyembro ng media na nais magsagawa ng panayam.

Agad namang nagpadala ng pakikiramay si Arroyo matapos malaman ang pagpanaw ni Corona.

“With heartfelt prayers and sympathy, my family and I convey our deepest condolences to the family of Chief Justice Renato Corona on his passing. His unblemished record of service to the Republic, the rule of law, and legal education deserves the praise and emulation of every Filipino and every advocate of truth and justice. May the exemplary life of Chief Justice Corona be a beacon to light our way,” pahayag ni Arroyo sa kanyang statement na ipinadala sa media. 

Matapos malaman ang malungkot na balita ay agad namang iniutos ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang paglalagay sa half-mast ng bandila sa SC at sa lahat ng korte sa bansa bilang tanda ng kanilang pagluluksa.

Maging ang Malacañang ay nagpaabot na rin ng pakikiramay sa pamilya Corona.

“We extend our condolences to the bereaved family of the late CJ Renato Corona and join them in fervent prayers for his eternal repose,” pahayag ni PCOO Sec. Coloma.-DCR

 

 

Advertisements