PARA HINDI MAABALA BUKAS| BPI- Julia Vargas branch pinaiiwasan muna sa mga kliyente

ert12.jpg

Nagpalabas ng isang anunsyo ang Bank of the Philippine Islands (BPI) ngayong araw kasabay ng nakatakdang pagtungo bukas sa kanilang Julia Vargas branch sa Pasig City ng kampo ni PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte. 

Sa paabiso ng BPI para sa kanilang mga kliyente sa Julia Vargas branch na magsasagawa ng transaksyon bukas, maaari munang magtungo ang mga ito sa iba pang BPI branches malapit sa lugar upang hindi maabala.

Ayon sa pamunuan ng BPI, inaasahan na nila ang pagdagsa ng ilang personalidad, mga miyembro ng media at mga tagasuporta ng bawat kampo sa kanilang Julia Vargas branch.  

Maaaring iwasan muna umano ang naturang branch ng kanilang mga kliyenteng hindi nais matagalan sa pagsasagawa ng bank transactions.

Kabilang sa iba pang BPI branches na inirerekomendang puntahan ng kanilang mga kliyente ay ang: 

*BPI Pasig Ortigas branch located on the ground floor of Benpres Building along Exchange Road
*BPI Ortigas Emerald branch along F. Ortigas Jr. Road
*BPI Ortigas Sapphire branch along Sapphire Road
*BPI Ortigas Tektite branch at the PSE Centre along Exchange Road

BPI

Ang anunsyong ito ng BPI ay nagsimula matapos payagan ni Duterte ang abogado nitong si Atty. Salvador Panelo na buksan sa publiko ang kanyang bank account sa BPI-Julia Vargas branch bukas.

Ito ay upang pabulaanan na ito ay naglalaman ng higit P200M na una nang sinabi ni Sen. Antonio Trillanes na hindi umano idineklara ni Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Sa kabila nito sinabi ni Duterte na hindi siya makakarating sa BPI-Julia Vargas bukas dahil siya ay nasa Davao City kung kaya ang abogado na lamang niya ang magbubukas nito sa publiko.

Inaasahan din ni Duterte na darating si Trillanes bukas sa naturang bangko dala ang isang affidavit para maipakita dito na hindi totoo ang kanyang mga ibinibintang sa alkalde.-DCR

 

Advertisements