MALAPIT SA TAIWAN| Bandila ng Pilipinas itinaas sa Mavulis Island

Tanalgo 1

PH flag hoisted in Mavulis Island for the first time (Image from AFP-NOLCOM

Sa kauna-unahang pagkakataon ay matagumpay na naitaas ang bandila ng Pilipinas sa Mavulis Island isang isla sa pinakatuktok na bahagi ng Batanes na halos kalapit na ng bansang Taiwan.

Sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay matagumpay na naitirik sa isla ang bandila noong Abril 30.

Pinangunahan ni AFP Northern Luzon Command commander Lt. Gen. Romeo Tanalgo ang pagtataas ng bandila kasama ang 82 katao na kinabibilangan ng mga sundalo, pulis at mga mangingisda sa lugar.

Kasama rin sa makasaysayang aktibidad sina Capt. Albert Mogul, commander, Naval Forces Northern Luzon (NAVFORNOL); Col. Ferdinand Barandon, NOLCOM force protection officer; at AFP chaplain Lt. Col. Ruel Tungolh. 

Tanalgo2

Image from AFP-NOLCOM

Layon ng aktibidad na pagtibayin ang soberanya ng bansa sa lugar at upang maiwasan ang katulad na pangyayari sa Panatag Shoal kung saan hinarangan ito ng mga Tsino at sinakop.

“The purpose of putting up this flag is to assert our sovereignty, to let all the people know that this is (part of) our country,” pahayag ni Tanalgo.

Matapos ang isang panalangin at pag-awit sa pambasang awit ng bansa ay tulong tulong na itinirik ng mga opisyal at lokal na mangingisda ang bandila sa isla na mas kilala bilang Yami o Y’Ami Island.

Tanalgo 3.jpg

Phoro courtesy of AFP NOLCOM

“We raised the Philippine flag at exactly 12 noon when the sun (is) at its brightest, April 30, 2016. We assert our sovereignty on this northern frontier of our nation. This is Mavulis island,” pahayag pa ni Tanalgo.

Nakadaong naman habang nagaganap ang aktibidad sa isla ang BRP Ramon Alcaraz (PF 16) sa layong 1.1 kilometro. 

Ang Mavulis Island ay may layong 20 nautical miles mula sa Itbayat, Batanes. 

Wala ditong nakatirang mga tao at ipinapanukala ngayon na maging pahingahan ng mga mangingisda sa lugar.

Ang karagatan sa paligid ng isla ay sagana sa mga lamang dagat at iba’t ibang uri ng isda.

Kasunod ng aktibidad ay siniguro ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na mas paiigtingin pa nila ang pagbabantay sa naturang lugar.-DCR

Advertisements