PNoy biglang dumating sa INC Central Office ngayong umaga

(Updated as of 12:55PM) 

INC PNoy.JPG

The presidential convoy while entering INC compound in Diliman, Quezon City (Image screenshot from the video of DZMM/Dennis Datu)

Eksakto isang linggo bago ang magaganap na halalan sa Mayo 9 ay dumating ngayong umaga sa Iglesia Ni Cristo (INC) Central Office sa Diliman, Quezon City si Pangulong Benigno Aquino III.

Bandang 9:00 ng umaga kanina ng dumating bigla ang convoy ni PNoy sa INC compound.

Sa paunang pahayag ni Presidential Communication Operations Office Sec. Sonny Coloma, wala sa official itinerary ngayong araw ni PNoy ang pagbisita nito sa lugar.

Tumagal ng halos isang oras ang pagpupulong sa pagitan ng Pangulo at ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC na si Ka Eduardo Manalo.

Sa isang panayam matapos ang pagpupulong sinabi ni PNoy na nagpasalamat siya sa INC sa suportang ibinigay ng mga ito sa kanya sa buong panahon ng kanyang termino.

First, nagpapasalamat muna ako dahil talaga namang nadama natin ang suporta throughout the administration, and even before I have been in office.

Tapos parang sharing also the vision sana of what [happens] after I step down from office, usual appeals and political appeals. As usual, maganda ang pagkatanggap sa atin ni Ka Eduardo,” pahayag pa ng Pangulo.

Hindi naman na sinabi ng Pangulo sa media kung kasama sa kanyang mga inilapit sa pamamahala ng INC ang tungkol sa pag-endorso para kina Liberal Party bet Mar Roxas at Cong. Leni Robredo. 

Inaasahan na ihahayag ngayong linggo ng INC kung sino ang kanilang susuportahan sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo. 

Una nang sinabi ni INC Spokesman Ka Edwil Zabala na wala pa silang inihayayag na susuportahan. 

Basta sa ngayon ay wala pa kaming opisyal na ine-endorso. Maaring mayroon nang napili ang pamunuan pero wala pa kaming ina-announce,” pahayag pa ni Zabala.

Bago nito ay may mga balita ng si Sen. Bongbong Marcos ang napili bilang vice president ng kapatiran.

Ang mga matataas na opisyal ng INC naman umano ay hati sa kung sino kina Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang ieendorso bilang pangulo.-DCR

 

Advertisements