GMA News Online humingi ng paumanhin kasunod ng anti-Duterte comment

gma lol

 

Humingi ng paumanhin ang GMA News Online sa mga netizens matapos aksidenteng mai-post ng isa sa kanilang mga staff ang opinyon nito laban kay PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte.

Lumalabas na kasamang nai-post ng isa sa mga social media editor ng GMA News Online ang kanyang opinyon sa unahan ng mismong artikulo sa pag-aakalang Facebook account niya ang kanyang gamit. Lingid sa kaalaman ng editor na lumabas ang kanyang post sa official Facebook page ng GMA News Online.

May kaugnayan ang personal na komento ng GMA News social media editor sa hindi pagkakabukas ng BPI-Julia Vargas bank account kahapon ni Duterte.

Ito ay kahit pa nagbigay na ng kanyang affidavit si Sen. Antonio Trillanes na unang nagbunyag na may laman umanong P211M ang naturang bank account ng alkalde.

Ayon kay Atty. Salvador Panelo, abogado ni Duterte, humingi na sila ng sertipikasyon mula sa BPI na nagsasabing kahit kailan simula nang buksan ang naturang account ay hindi ito nagkaroon ng P211M. 

Hiningi umano ng BPI na mabigyan sila hanggang pitong araw para pag-aralan ang hiling ni Panelo.

Dahil naman sa pangyayari ay agad na inulan ng mga batikos ang GMA News.

Agad din namang tinanggal ng GMA News Social Media Team ang post at humingi ng paumanhin sa mga netizen.

Ayon sa GMA News, iniimbestigahan na nila ang pangyayari. Nangako rin ang organisasyon na nanatili sila sa kanilang sinumpaang panata na pagbibigay ng walang kinikilingang uri ng pagbabalita. -DCR

 

Advertisements