APRIL 26-29| Duterte-Robredo No.1 sa pinakabagong Pulse Asia survey

Robredo-Duterte

Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo and PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte (Image courtesy of politics.ph)

Limang araw bago ang halalan subalit nananatiling nangunguna si PDP-Laban presidential bet Mayor Rodrigo Duterte base sa pinakabagong survey na inilabas ng Pulse Asia.

Ang survey na kinomisyon ng ABSCBN ay nilahukan ng  4,000 respondents at ginawa noon lamang Abril 26-29.

Sa survey nakakuha si Duterte ng 33%.

Statistically tied naman sina Liberal Party candidate Mar Roxas na may 22% at Sen. Grace Poe na may 21%.

Nasa pang-apat na pwesto si Vice Pres. Jejomar Binay na nakakuha ng 17% habang nananatiling nasa ikalimang pwesto si Sen. Miriam Defensor-Santiago na may 2%.

Sa pagka-bise presidente naman ay nangunguna na si Liberal Party bet Cong. Leni Robredo na mayroong 30%.

Pumangalawa sa kanya si Sen. Bongbong Marcos na may 28%.

Nasa ikatlong pwesto si Sen. Chiz Escudero na nakakuha ng 18%.

Sinundan ito ni Sen. Alan Peter Cayetano na may 15%.

Habang mayroon namang 3% si Sen. Gringo Honasan at 2% naman si Sen. Antonio Trillanes.

Batay sa lokasyon nangunguna pa rin si Duterte sa Metro Manila matapos siyang makakuha ng 40%. 

Ang Luzon naman ay may pumabor kay Luzon makaraang makakuha siya rito ng 28%.

Sa Visayas ay nangunguna pa rin si Roxas na mayroong 37%. 

Sa Mindanao ay nangunguna pa rin si Duterte makaraang makakuha ng 58%.

Pagdating sa antas ng pamumuhay ng mga respondent nakakuha sa class ABC si Duterte ng 37%.

Sa class D ay nakuha din niya ang pinakamataas na pagpabor na umabot sa 33%.

Tabla naman sila ni Roxas sa class E makaraang makakuha ito ng 24% habang si Duterte ay may 31% dito.

Sa vice presidential race naman kung pagbabasehan ang lugar, nanguna si Marcos sa Metro Manila at sa buong Luzon. 

Sa National Capital Region ay nakakuha si Marcos ng 33% habang 42% naman ang kanyang naitala sa Luzon.

Sa Visayas naman nanguna si Robredo na nakakuha ng 42% doon habang statistically tied naman sa Mindanao sina Cayetano na may 29%, Robredo na may 28% at Marcos na may 24%. 

Tabla din sina Marcos at Robredo kung pagbabatayan naman ay ang antas ng pamumuhay ng mga respondent.

Sa class ABC ay nakakuha si Marcos ng 29%, sa class D ay 29% at sa class E ay 24%.

Si Robredo naman ay mayroong 32% sa class ABC, sa class D ay 30% habang sa class E ay 29%.-DCR

Advertisements