DUTERTE-MARCOS| Sirkular sa pag-endorso ng INC binasa at inihayag mismo ni Ka Eduardo Manalo

duterte-inc1

INC Executive Minister Eduardo Manalo with PDP-Laban presidential bet Davao City Mayor Rodrigo Duterte (Image screenshot from Net 25 video) 

Opisyal nang inendorso kagabi (Miyerkules, Mayo 4) ng pamamahala ng Iglesia Ni Cristo sina PDP Laban at Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Bongbong Marcos sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo para sa darating na halalan sa Mayo 9. 

Ang sirkular ay binasa mismo ng Tagapamahalang Pangkalatahan ng Iglesia Ni Cristo na si Ka Eduardo Manalo matapos ang pagsambang pinangunahan nito ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer. 

Ipinaalala ng tagapamahalang pangkalahatan sa lahat ng kaanib ng INC ang aral na tinanggap nila bago pa man mabautismuhan bilang miyembro ng Iglesia.

Ito ay ang pagsampalataya sa turo ng Panginoong Diyos na hindi dapat magkaroon ng pagkakahati-hati sa loob ng Iglesia kung kaya nararapat na magkaroon sila ng kaisahan sa pagpapasya at paghatol.

Sinipi ng Ka Eduardo Manalo ang mga sitas mula sa Bibliya partikular mula sa I Corinto 1:10 at Roma 15:6 at sinabi na ang kaisahan sa pagboto ng INC ay sa ngalan ng Panginoong Hesukristo, para sa ikaluluwalhati ng Ama at para sa kapakanan ng buong Iglesia.

Kasabay nito ay pinaalalahanan ng Pamamahala ang mga kaanib na bumoto ng may pagkakaisa sa darating na Lunes, Mayo 9.

Ang pag-endorso kay Duterte ay unang inilathala ng The Manila Journo noong Abril 30 matapos makumpirma mismo sa mga mapagkakatiwalaang source na miyembro ng INC.

Bukod kina Duterte at Marcos ay inendorso rin ng INC ang 12 senatorial candidate. 

 JOEL VILLANUEVA (LP)
FRANK DRILON (LP)
VICENTE SOTTO (NPC)
MANNY PACQUIAO (UNA)
RALPH RECTO (LP)
DICK GORDON (IND)
RISA HONTIVEROS (AKBAYAN)
WIN GATCHALIAN (NPC)
FRANCIS TOLENTINO (IND)
MIGZ ZUBIRI (IND)
PANFILO PING LACSON (IND)
MARTIN ROMUALDEZ (LAKAS)

Bago nito, isang balita ang agad na kumalat sa social media umaga pa lamang ng Miyerkules. Isang larawan din ng sample ballot mula umano sa INC ang ini-upload ng PTV-4 Telebisyon ng Bayan sa kanilang Twitter page. 

Inaasahan na babasahin ang katulad na sirkular para sa mga ineendorsong kandidato ng INC sa mga pagsamba sa lahat ng lokal ng INC dito sa Pilipinas at sa buong mundo.

Ang pamamahagi ng official sample ballot ng INC sa mga kaanib nito ay inaasahang magsisimula sa bukas araw Biyernes.-DCR

Advertisements