MEETING DE AVANCE| Huling campaign rally ng apat na presidentiables tatapusin sa Metro Manila

2016 presidentiable.png

L to R: VP Jejomar Binay, Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe, Sec. Mar Roxas and Sen. Miriam Defensor-Santiago (Photo courtesy of CNN PhilippinesCNN Philippines)

Sa Metro Manila napili ng apat na kandidato sa pagka-pangulo na tapusin ang kanilang mga political rally bukas Mayo 7 huling araw ng pangangampanya.

Para sa grupo nina Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero kung saan sila nag-umpisa ay doon din sila matatapos.

Napili ng Partido Galing at Puso nina Poe at Escudero na sa Plaza Miranda sa Maynila magdaos ng kanilang meeting de avance bukas.

Ang United Nationalist Alliance (UNA) naman sa balwarte ni Vice Pres. Jejomar Binay gaganapin ang kanilang meeting de avance kasama si Sen.Gringo Honasan na kanilang pambato sa pagka-bise presidente.

Sa ngayon ay inilalatag na ng mga organizer ng UNA ang mga gagamitin nila bukas sa bahagi ng  Lawton Avenue-JP Rizal at Kalayaan Avenue sa Makati City.

Ang Liberal Party naman sa Quezon City Memorial Circle magdaraos ng kanilang huling political rally para sa tambalan nina Mar Roxas at Cong. Leni Robredo.

Isang malaking pagtitipon naman ang ikinakasa ng grupo nina PDP-Laban presidential bet Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano sa Luneta bukas para sa kanilang meeting de avance.

Bukod sa meeting de avance ay isang Guiness World Record din ang nais basagin ng mga organizer ng rally. 

Mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas kasama ang Davao ay sabayang aawit ang lahat ng mga tagasuporta ni Duterte ng Lupang Hinirang sa ganap na 5:00 ng hapon. 

Sa ngayon ay tanging ang kampo na lamang ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang hindi pa nagpapa-abiso sa media kung saan nito gaganapin ang kanyang meeting de avance. 

Kagabi naman ay nagdaos na ng sarili niyang meeting de avance si Sen. Bongbong Marcos na katambal ni Santiago.

Dahil sa malalaking political rally sa National Capital Region partikular sa Maynila ay inaasahan na ang mabigat na daloy ng trapiko.

Pinaghahandaan na rin ng PNP-NCRPO ang buhos ng mga supporter ng bawat presidentiable sa nabanggit na mga venue.-DCR

Advertisements