Grace Poe maayos na tinanggap ang pagkatalo sa halalan

Poe

Sen. Grace Poe concedes to PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte

Pormal nang tinanggap ni Sen. Grace Poe ang kanyang pagkatalo laban sa nangunguna ngayon sa bilangan para sa pagka-pangulo ng bansa na si PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte.

Ginawa ni Poe ang pormal na pagtanggap sa resulta ng halalan Lunes ng hatinggabi matapos magpatawag ng isang press conference.

Ayon kay Poe, lumaban sila ng patas at malinis. 

“Ako si Grace Poe at naging kandidato sa pagka-pangulo ngayong 2016 ay nagbibigay daan kay Rodrigo Duterte na siyang maliwanag na nangunguna sa kasalukuyang bilangan at siyang napili ng nakararami sa ating mga kababayan.” 

“Bilang isang masidhing tagapagtaguyod ng repormang pang-eleksyon Matatag ang paniniwala ko sa boses at kalooban ng ating taumbayan. Iginagalang ko ang resulta ng ating halalan. Binabati ko si Mayor Rodrigo Duterte at ipinapangako ko ang aking pakikiisa sa paghilom ng ating bayan at pakikiisa ng ating mga kababayan tungo sa pag-unlad ng ating bayan,” pahayag ng senadora sa isang statement. 

Sa pahayag ng senadora sinabi nitong ipagpapatuloy niya sa kanyang pagbabalik sa Senado ang kanyang mga programa at adbokasiya. 

Batay sa pinakahuling partial unofficial ng Commission on Elections bandang 1:20 ng madaling araw ngayong Martes ay nasa 14, 296, 434 ang nakukuha ni Duterte habang nasa pangatlong pwesto naman si Poe na mayroon ng 8. 083, 745.-DCR

Advertisements