Roxas tinanggap na ang pagkatalo kay Duterte

Roxas

Liberal Party presidential candidate Mar Roxas (Image courtesy of Mar Roxas Facebook Page)


Pormal nang tinanggap kahapon ni Liberal Party bet Mar Roxas ang kanyang pagkatalo kay PDP-Laban presidential candidate Rodrigo Duterte.

Ito ay dahil sa patuloy na pangunguna ni Duterte sa partial and unofficial count ng Commission on Elections (COMELEC).

Emosyonal na binasa ni Roxas sa harapan ng media at ng kanyang mga tagasuporta ang kanyang pahayag.

Dito tahasang sinabi ni Roxas na batay sa resulta ng bilangan ay si Duterte na ang susunod na pangulo ng bansa. 

Binati din nito si Duterte at sinabing ang tagumpay ng alkalde ay tagumpay ng sambayanang Pilipino. 

“Galangin at tanggapin natin ang pasya ng ating mga kababayan. Ayon sa unofficial count ng COMELEC, malinaw na si Mayor Rodrigo Duterte ang magiging susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas. Digong, I wish you success. Ang iyong tagumpay ay tagumpay ng ating sambayanan at ng ating bansa,”  pahayag ni Roxas.
Bago nito ay nagpasalamat si Roxas sa kanyang mga tagasuporta.
Taos puso ding pinasalamatan ng pambato ng LP ang kanyang partido, si Pangulong Benigno Aquino III at pamilya nito, ang kanyang asawa si Korina Sanchez at ang lahat ng sumuporta sa kanya sa buong panahon ng kampanya.
Hiniling din ni Roxas sa lahat na bantayan naman ang boto para kay LP vice presidential candidate Leni Robredo na hanggang sa ngayon ay siyang nangunguna sa vice presidential race.
Sa huling datos na inilabas ng COMELEC ngayong araw as of 4:45PM si Duterte ay nakakuha na ng botong 15, 866, 790. Si Roxas naman ay mayroong 9, 660, 710. 
Ang resulta ay batay sa 95.59% ng mga election returns na nabilang na o 90,115  ng kabuuang 94,276 election returns.-DCR
Advertisements