KAUNA-UNAHAN SA ASEAN| Jaclyn Jose nanalong best actress sa Cannes Film Festival

Jose

69th Cannes Film Festival Best Actress Jaclyn Jose (Image from Festival de Cannes Facebook Page)

Nagbubunyi ngayon ang buong Philippine entertainment industry matapos itanghal na pinakamahusay na aktres si Jaclyn Jose sa 69th Cannes Film Festival sa France. 

Ginising kahapon ng umaga ang mga Pilipino ng balita tungkol sa pagkapanalo ni Jose para sa natatanging pagganap sa indie film the Ma’Rosa matapos itong parangalan sa Pransya Linggo (Mayo 22) ng gabi.

Sa kanyang talumpati pinasalamatan ni Jose ang lahat at inialay ang kanyang pagkapanalo sa kanyang pamilya, kay Direk Brillante Mendoza na direktor ng pelikula at sa buong sambayanang Pilipino.

“I would also like to share this recognition to all the Filipinos who are here now… to my countrymen, to the Philippines.”

Si Jose ang kauna-unahang Pilipino at kauna-unahang Southeast Asian na nakatanggap ng ganitong parangal mula sa Cannes. 

Kabilang sa mga aktres na nakalaban ni Jose sa kumpetisyon ay sina Charlize Theron (The Last Face), Marion Cotillard (From The Land of the Moon), Kristen Stewart (Personal Shopper), Isabelle Huppert (Elle), Elle Fanning (The Neon Demon), at Sonia Braga (Aquarius).

Gumanap si Jose bilang isang ina sa Ma’Rosa na napilitang magbenta ng droga bago naging biktima ng mga iskalawag na pulis.

Sa panayam matapos ang awards night sinabi ni Jose na hindi niya inaasahan ang pagkapanalo. 

Para naman sa marami napapanahon na ang pagganap ni Jose sa naturang pelikula dahil sa talamak na problema sa droga lalo na sa mahihirap na komunidad sa bansa. 

Ayon pa sa ilang kritiko, ang pelikula ay napapanahon din sapagkat kilala ang papasok na administrasyon ni presumptive President Rodrigo Duterte bilang numero unong kalaban ng mga nagbebenta at gumagamit ng bawal na gamot. 

Hindi naman ito ang unang beses na kinilala ang husay at galing ng mga Pilipino sa Cannes dahil noong 2009 ang direktor ng Ma’Rosa na si Mendoza ay itinanghal din Best Director para sa kanyang pelikulang Kinatay.-DCR

 

Advertisements