Sen. Santiago naka-medical leave na hanggang matapos ang termino bilang senador

letter

Screenshot of Sen. Miriam Defensor Santiago’s letter from Philippine Star Philippine Star 

Muling naghain ng medical leave si Sen. Miriam Defensor-Santiago ngayong araw. 

Base sa sulat na ipinadala sa tanggapan ni Senate President Franklin Drilon nagpasabi si Santiago na ipagpapatuloy niya ang kanyang medical leave sa Senado.

Ayon sa maikling paliwanag ng senadora, nagkaroon siya ng anorexia o kawalan ng gana sa pagkain.

Ito umano ang side effect ng isa sa mga gamot na kanyang iniinom para sa kanser.

Base pa sa liham, pagdating ng June 30 ay handa na umanong bakantehin ng senadora at kanyang mga staff ang kanilang tanggapan sa Senado.

Dahil dito ay lumalabas na naka-medical leave na ang senadora hanggang sa matapos ang kanyang termino. 

Matatandaan na tumakbong pangulo si Santiago sa katatapos lamang na halalan. 

Bagama’t dumalo sa mga kampanya, kapansin pansin pa rin ang pagiging mahina ng senadora partikular na ang hindi nito gaanong pagsasagawa ng mga campaign activity.

Hulyo 2014 ng ihayag ni Santiago na siya ay may stage 4 lung cancer.

Sa kabila nito inihayag ni Santiago na sya ay maayos at nakaka-recover sa kanyang sakit sa tulong ng mga gamot na kanyang iniinom.-DCR

Advertisements