Duterte-Robredo pormal ng ipinroklama bilang nanalong pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas

Duterte-Robredo

 

Pormal nang naiproklama ng Kongreso sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Cong. Leni Robredo bilang nanalong pangulo at pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas ngayong araw matapos ang halalan na ginawa noong Mayo 9. 

Sa parte ng Senado ay ipinroklama ni Senate President Franklin Drilon ang pagkapanalo ng dalawa habang si House Speaker Feliciano Belmonte naman ang nagproklama para sa panig ng Kamara matapos ang joint session ng Kongreso ngayong hapon.

Bago ang proklamasyon ay binasa muna nina Sen. Koko Pimentel at Rep. Neptali Gonzales III ang joint committee report.

Sa ulat ng Kongreso na siyang tumayo bilang National Board of Canvassers si Duterte ay nakakuha ng 16, 601, 997 na boto habang si Robredo naman ay mayroong 14, 418, 817 na boto. 

Dahil dito ay si Duterte na ang ika-16 na Pangulo ng Pilipinas habang si Robredo naman ang ika-14 na pangalawang pangulo ng bansa. 

Tanging si Robredo lamang ang dumalo sa proklamasyon habang nanatili sa Davao City si Duterte.

Ito ang unang pagkakataon na hindi dumalo sa proklamasyon ng Kongreso ang isang nahalal na pangulo ng bansa. Si Duterte din ang pinakamatandang indibidwal na nahalan bilang pangulo mula noong mailuklok sa pwesto si dating Pangulong Sergio Osmeña. 

Una nang sinabi ni Duterte na pupunta lamang siya sa Maynila sa araw mismo ng kanyang oathtaking sa June 30.-DCR

 

 

Advertisements