MEDIA SINISI| Mga tiwaling mamamahayag dahilan ng media killings- Duterte

Duterte

President-elect Rodrigo Duterte (Image from Rodrigo Duterte’s Facebook

 

“Just because you are a journalist, you are not exempted from assassination if you are a son of a bitch.”

Ito ang mga unang salitang natikman ng media mula kay President-elect Rodrigo Duterte matapos tanungin tungkol sa nagpapatuloy na kaso ng mga pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.

Ayon sa susunod na Pangulo, kasalanan umano ng mga tiwaling miyembro ng media kung kaya napapatay sila. 

Tahasang sinabi ni Duterte na ilan sa mga taga media ang tumatanggap ng suhol kapalit ng pambabatikos sa isang indibidwal. 

“Karamihan ‘yan, alam mo ‘yan nabigyan na, especially if you want to take sides, nabayaran mo na tapos you play. ‘Yan ang karamihan ng namatay. Or tumatanggap na sa mga sugarol tapos bira pa rin.” 

Ibinigay na halimbawa ni Duterte ang pagpaslang noong 2003 sa mamamahayag na si Jun Pala sa Davao City. Ang biktima ay kilalang kritiko ni Duterte sa panahon ng pamamahala niya bilang mayor sa naturang syudad.

“Ang example natin dito, kung tagarito ka man, si (Jun) Pala. I don’t want to demean his memory but he was a rotten son of a bitch. He deserved it. Eh ganu’n eh. Of course I know who killed him. Kasi binastos niya ‘yung tao eh.

“You want the truth? ‘Yun ang truth. There is still corruption sa inyong side [media]… Karamihan ganun, kasi kung journalist ka lang na tama, wala namang gagalaw sayo especially if it is true,” pahayag pa ni Duterte. 

Babala pa ni Duterte sa mga mamamahayag hindi magagamit ng mga ito ng freedom of express na nakatadhana sa Konstitusyon lalo na kung tiwali ang mga ito.

“Iyong freedom of expression cannot help you if you have done something wrong to the guy. Do not believe it so much na you swallow it hook, line, and sinker. Alam mo na marami diyan, binabayaran, pati writers. Alam mo iyan.”

“Freedom of expression won’t save you. The Constitution cannot help you kapag binaboy mo ang isang tao,” banta pa ng susunod na Pangulo. 

Sa ngayon ay umaabot na sa 152 mamamahayag ang napapatay sa bansa simula nang maibalik ang demokrasya at kalayaan sa pamamahayag noong 1986.

Pinakamaraming napaslang na mamamahayag noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung saan umabot ito sa kabuuang 82. Sa bilang na ito ay nasa 32 mamamahayag ang sabay sabay na pinatay noong November 23, 2009 sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Ito ang pinamadugong pag-atake sa kasaysayan ng pamamahayag sa buong mundo.

Sa ilalim naman ng papaalis na administrasyong Aquino ay umabot sa 32 mamamahayag ang pinatay simula noong umupo sila sa pwesto noong June 30, 2010. Pinakahuling kaso ng pagpaslang ay noong lamang Mayo 30 makaraang barilin sa ulo ang kolumnistang si Alex Balcoba sa harapan ng kanyang tindahan sa Quiapo, Maynila.

Sa kabila ng matinding pananalita na tinanggap ng media kagabi mula kay Duterte ay nangako na noon pang kampanya ang kampo nito na bubuo sila ng isang task force na siyang tututok sa serye ng pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.-DCR

 

Advertisements