PNoy nagpaalam na kasabay nang pagbibigay ng mga bagong barko sa PH Navy

PNoy 1

President Benigno Aquino during the 118th founding anniversary of Philippine Navy in Manila (Photo courtesy of Jerome Paunan/PIA-NCR

Tinanggap ngayong araw ng Philippine Navy (PN) ang apat na bagong barko kasabay ng pagdiriwang nito sa ika-118 taong anibersaryo ng kanilang pagkakatatag. 

Ang selebrasyon at turnover ng mga bagong sea asset ay pinangunahan mismo ni Pangulong Benigno Aquino III sa Pier 13 sa Maynila. 

Tinanggap ng PN ang isang bagong Landing Dock (LD) Vessel ( SSV LD 601) at pinangalan itong BRP Tarlac na kauna-unahang strategic sealift vessel at pinakamalaki sa mga barko ngayon ng Hukbong Dagat ng Pilipinas.

.Bukod dito ay natanggap din ng navy ang tatlong Landing Craft Heavy (LCH) mula sa Australia. Pinangalanan ang mga ito bilang BRP Agta (LCH 290), BRP Waray (LCH 288) at BRP Iwak (LCH 289).

Kasabay nito ay nagpaalam na rin si Aquino sa navy para sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang termino sa June 30. 

“29 na araw na nga lang po, bababa na ako sa puwesto. Halos anim na taon din tayong nagsilbi bilang Ama ng Bayan, at inyong punong komandante. Hanggang sa mga huling araw ko, talagang hindi ko malilimutan ang panahong ito, kung saan tumindig ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at nagpamalas ng di matatawarang serbisyo at malasakit sa kapwa at bayan. Tiwala naman ako: Kapag tumuloy tayo sa nasimulan nating landas, pihadong gaganda pa ang serbisyo sa inyo, at ang serbisyo ninyo sa ating bansa. Sa inyong lahat: Isang napakalaking karangalan ang pamunuan kayo. Isang karangalang magsilbi nang tapat at totoo sa ating dakilang lahi, ang sambayanang Pilipino,” pahayag pa nito. 

Bago nito ay ipinagmalaki rin ng Pangulo sa kanyang talumpati ang malaking pagbabagong idinulot ng kanyang administrasyon para mabigyan ng mga bagong gamit ang hukbong dagat ng bansa. 

Ayon kay PNoy, mismong ang mga miyembro na ng Navy ang makakapagsabi ng mga pagbabagong natamo ng kanilang hanay sa ilalim ng kanyang pamamahala. 

“Ngayon, makalipas ang halos anim na taon, kayo na siguro mismo ang makakapagsabi: Nabigyang-lakas na natin ang inyong hanay. Pinasigla natin ang inyong surface fleet, gumanda na ang ating air arm, binubuhay na natin ang anti-submarine capability; at ang lahat ng ito, nagagamit na natin sa national security operations.”

Ibinida rin ng Pangulo ang iba pang asset na nabili ng kanyang administrasyon para sa navy tulad ng limang naval helicopter at tatlong multi-purpose attack craft.

Bukod dito ayon kay PNoy  ay paparating na rin umano ang iba pang assets, tulad ng dalawang frigates, dalawang anti-submarine warfare capable helicopters at ang pangatlo weather high endurance cutter ng bansa.

Bago ang turnover ngayon araw ay binigyan ng dalawang barkong pandigma ng administrasyong Aquino ang navy sa pamamagitan ng BRP Gregorio Del Pilar at BRP Ramon Alcaraz. Nauna na rin dumating sa bansa ang dalawa pang landing craft heavy mula sa Australia bukod sa tatlong nai-turnover ngayong araw. 

Para naman sa human resources sinabi ng Pangulo ang mga benepisyong ipinagkaloob niya sa mga sundalo sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Tinutukan din natin ang iba pa ninyong mga pangangailangan. Pinirmahan natin ang Executive Order No. 201 nitong Pebrero, na nagpataas ng inyong Monthly Hazard Pay, Provisional Allowance, at Officers’ Allowance. Isama pa natin ang inyong Monthly Combat Pay, Subsistence Allowance, at siyempre, ang AFP/PNP Housing Program,” pahayag pa ni Aquino sa mga sundalo. 

Inaasahan na dahil sa mga bagong kagamitan ay mas mapapalakas pa ng navy ang pagbabantay nito sa mga isla ng bansa partikular na sa panahong ito na humaharap ang Pilipinas sa sigalot sa West Philippine Sea.-DCR

 

Advertisements