CPP founder Joma Sison payag nang ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos

Joma Marcos

CPP founding chair Joma Sison and former President Ferdinand Marcos  (Composite photo courtesy of abscbnnews.com)

Payag na si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na ilibing sa Libingan ng mga Bayani si dating pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Sison hindi isyu sa kanilang kung ihimlay man ang mga labi ng dating pangulo sa naturang libingan.

Sa isang press confenrence via Skype sa Quezon City sinabi ni Sison na ang naturang libingan ay dating himlayan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.

“Si Marcos, kahit pekeng sundalo siya sa matagal na panahon, ay totoong sundalo siya noong panahon ng Bataan. So puwede siyang ilibing diyan,” pahayag ni Sison.

Ayon pa sa pinuno ng CPP ipinapalagay lamang ng marami na ang nakalibing sa Libingan ng mga Bayani ay mga tunay na bayani. “Ang palagay ay mga tunay na bayani talaga yung nasa Libingan na ’yan. Pangalan lang ’yan eh. Kailan ba in-adopt yung pangalan na yan? Karamihan [ng nakalibing diyan ay] mga Usaffe (United States Armed Forces in the Far East) at mga sundalo ng reaksyunaryong hukbo,” pahayag pa nito.

Ayon pa kay Sison bagay kay Marcos na mailibing sa naturang lugar para makasama nito ang mga dating pangulo ng bansa na naging traydor umano sa bayan. Nakalibing sa naturang lugar ang mga dating pangulo ng bansa na sina Diosdado Macapagal, Carlo Garcia at Elpidio Quirino.

“Yung tatlong nakalagay diyan siguro sa tatlo pinakamagaling diyan si [Carlos] Garcia. Puro tuta yung dalawa… Wala naman sila ginawa kundi kontra sa interes ng mga mamamayan.”

“Bagay na magkatabi-tabi yung mga taksil sa bayan. Si Marcos, bagay na itabi kay [Elpidio] Quirino na corrupt din,” pahayag pa ni Sison.

Matatandaan na una nang sinabi ni President-elect Rodrigo Duterte na payag itong mailibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos. 

Aniya, dapat maihimlay doon ang dating pangulo dahil isa itong dating sundalo.-DCR

 

 

Advertisements