INDEPENDENCE DAY STANDOFF| Limang Pinoy volunteer nakaranas ng harassment mula sa Chinese Coast Guard

Kumakalat ngayon ang video na nagpapakita ng matinding harassment na dinanas ng limang volunteer matapos ang kanilang pagtatangka na makapasok sa mababaw na parte ng Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) kahapon.

Ang mahigit 23 minutong video ay kinunan ng grupong Kalayaan ATIN ITO matapos magtungo sa Bajo de Masinloc kahapon ang 15 kabataang Pilipino para igiit ang karapatan at soberanya ng bansa sa lugar kasabay ng pagdiriwang ng ika-118 Araw ng Kalayaan. 

Sa video mapapanood ang pagtatangka ng mga kabataang volunteer na makapasok sa tinatawag na “lagoon” o ang mababaw na parte ng Scarborough Shoal. 

Nais sana ng mga kabataang Pinoy na maitirik doon ang bandila ng Pilipinas. 

Sa kabila nito ay agad silang hinarang ng dalawang speed boat mula sa Chinese Coast Guard Ship 3402.

Tumagal ng mahigit 20 minuto ang patintero sa dagat ng mga Pinoy volunteer at nang dalawang speed boat.

Makikita rin sa video ang mabilis na pagpapaandar paroo’t parito ng mga speed boat dahilan para mas lalong lumakas ang hampas ng alon sa mga volunteer. 

Sa kabila nito ay hindi nasiraan ng loob ang mga kabataan at pinilit pa rin na makalapit sa lagoon.

Sa pahayag ng grupong nagtungo sa lugar, dumating sila doon bandang 7:30 ng umaga kahapon. 

Sa una pa lang ay agad na umano silang hinarang ng dalawang speed boat ng Chinese Coast Guard bago ang paglitaw ng mas malaking barko ng mga ito.

Inutusan umano sila ng mga Tsino na lisanin ang lugar, sa kabila nito ay sumenyas lamang umano sila ng “peace sign” sa mga ito at sinuway ang utos na sila ay umalis.

Sa salaysay pa ng grupo ay nakapangisda pa sila sa lugar para sa kanilang pananghalian at inalok din ang mga Tsino ng pagkain. 

video 45

Tumagal umano ang standoff ng apat na oras hanggang sa sinubukan na ng dalawang babae at tatlong lalaking volunteers na lumangoy patungo sa lagoon para itaas ang watawat ng bansa at ng United Nations.

Dito na mapapanood sa video ang matinding pagpigil ng Chinese Coast Guard sa mga kabataan. Ayon sa mga volunteer, tinangkang agawin ng mga Tsino ang dry bag kung saan nakalagay ang mga bandila subalit nakalaban sila at nabawi ito.

Sa kabila ng matinding habulan ay nagawang ng dalawang volunteer na makapasok sa lagoon at maiwayway doon ang “flaglet” ng bansa.

Bandang 12:30 umano ng tanghali ng lisanin ng mga kabataan sakay ng kanilang bangka ang lugar habang sila nakabuntot sa kanila ang barko ng mga Tsino upang matiyak na hindi sila babalik doon.

Bandang madaling araw kanina ayon sa grupo ng ligtas silang makabalik sa bayan ng Masinloc, Zambales.

Hanggang sa ngayon ay wala pang pahayag ang Philippine Coast Guard at ang Philippine Navy sa insidente.

Hindi rin mabatid kung nakipag-ugnayan ang grupo sa mga awtoridad ng bansa bago ang ginawang pagpalaot sa lugar.

Ang mga kabataang nagtungo sa Bajo de Masinloc ay kabilang din sa unang grupo na nagtungo sa Pag-Asa Island at nagsagawa ng isang paglalakbay.

Noong 2012 ay naging mainit ang standoff sa lugar sa pagitan ng mga awtoridad ng Chinat at Pilipinas matapos maaktuhan ng BRP Gregorio Del Pilar ng Philippine Navy ang pangingisda doon ng mga Tsino.

Matapos ang naturang insidente ay hindi na binitawan ng China ang kontrol sa Scarborough Shoal hanggang sa pati ang mga mangingisdang Pilipino ay pigilang makapasok doon.

Sa kasalukuyan ay patuloy ay nakabimbin pa rin sa International Arbitral Tribunal ang kasong inihain ng Pilipinas laban sa China. 

Inaasahan na ilalabas ng korte ang hatol nito sa usapin ukol sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea sa lalong madaling panahon.-DCR

Advertisements