KABATAANG PINOY VIRAL VIDEO| Chinese Coast Guard sinuway, bandila ng Pilipinas iwinagayway habang inaawit ang ‘Lupang Hinirang’ sa Bajo de Masinloc

Viral ngayon ang isang video na nagpapakita nang pagiging makabayan ng 15 kabataang Pilipino matapos silang maglayag kahapon sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) para igiit ang karapatan dito ng bansa habang ginugunita ng mga Pilipino ang ika-118 Araw ng Kalayaan. 

Sa isang video na ipinost sa Facebook ng grupong Kalayaan ATIN ITO, mapapanood ang pag-awit ng Lupang Hinirang ng mga kabataan habang nakasunod sa bandang likuran ng kanilang bangka ang isang Chinese Coast Guard Ship. 

Base sa pahayag ng grupo, 15 kabataang Pinoy at isang Amerikano ang kasama nilang nagtungo sa Bajo de Masinloc. 

Nagsimula umano ang kanilang pagpunta doon noong hapon ng Sabado (June 11) at nakarating sa pinag-aagawang lugar bandang 7:30 ng umaga kahapon.

Ayon sa Kalayaan ATIN ITO, ang kanilang bangka ay sinubukang harangin ng dalawang speed boat ng Chinese Coast Guard bago lumitaw ang mismong barko ng mga ito at dalawa pang mas malalaking bangka.

Inutusan umano sila ng mga Tsino na lisanin ang lugar, sa kabila nito ay nagmatigas ang mga kabataan at tinangkang languyin ang lugar kung saan balak sana nilang itarak ang bandila ng Pilipinas at ng United Nations na kanilang bitbit. 

789

Tinangka rin umano ng mga Chinese Coast Guard na makuha ang dry bag na naglalaman ng bandila ng bansa subalit napigilan nila ito. Isang underwater camera din umano ang inagaw ng mga Tsino subalit nabawi nila ngunit nabitiwan rin ito ng kanilang kasama at tuluyang lumubog sa tubig.

Sa kabilang ng harassment na dinanas ay nagawa ng dalawang miyembro ng grupo na makapasok sa lagoon ng Scarborough Shoal at doon iwinagayway ang dala nilang “flaglet”. 

Bandang 12:30 nang tanghali kahapon ng lisanin ng grupo ang Bajo de Masinloc pabalik sa Masinloc, Zambales kung saan nakarating sila nang maayos kaninang madaling-araw.

Matatandaan na naging mainit ang sitwasyon sa lugar sa pagitan ng Chinese Coast Guard at mga awtoridad mula sa Pilipinas noong April 2012 matapos mahuli ang walong bangkang pangisda ng Tsina na nagsasagawa ng ilegal na pangingisda doon.

Noong Enero 2015 naman ay naidokumento ng Philippine Coast Guard ang patuloy na pagkuha ng giant clams ng mga bangkang pangisda ng Tsina.

Bukod sa Scarborough Shoal ay pinag-aagawan din ng Tsina at iba pang bansa na miyembro ng Association of Southeast Asian Nation ang ilang isla sa Kalayaan (Spratly Islands).

Ang tumitinding harassment at ilegal na pagtatayo ng istruktura ng China sa ilang isla doon ang nagtulak sa Pilipinas para maghain na ng kaso sa International Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands.

Inaasahan na anumang oras ay pwede nang ilabas nang naturang hukuman ang kanilang desisyon sa naturang kaso.-DCR

 

Advertisements