Isa pang Canadian hostage pinatay na ng Abu Sayyaf

Sulu map

Pinugutan na ng Abu Sayyaf ang bihag nilang Canadian na si Robert Hall makaraang matapos kahapon ang deadline na ibinigay ng mga bandido para sa pagbabayad ng P300 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng biktima.

Pasado 3:00 ng hapon kahapon ng gawin umano ng mga bandido ang pagpatay sa bihag.

Ilang oras matapos kumalat ang balitang pinugutan na ang Canadian ay natagpuan sa pasado 8:00 kagabi ang isang pugot na ulo na hawig sa isang Caucasian sa tabi ng cathedral sa Jolo, Sulu.

Ang naturang labi ay idinala na ng mga awtoridad sa Kuta Heneral Teodolfo Bautista para sa kaukulang pagsusuri.

Ngayong umaga ay kinumpirma na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinugutan ng mga bandido ang biktima.

Bago nito ay nagpahayag na kahapon si Canadian Prime Minister Justin Trudueau na may sapat nang mga dahilan para paniwalaan ang ulat na pinatay na ang kanilang kababayan.

Kasunod nito ay nagpahayag ng pakikiramay at pagkundena si Trudueau hinggil sa insidente.

Si Hall ay dinukot kasama ng kanyang nobyang si Maritess Flor at Norwegian na si Kjartan Sekkingstad. Kasama rin nilang dinukot ang naunang pinugutan noong Abril na si John Ridsdel. Ang apat ay dinukot ng mga bandido noong September 21, 2015 sa isang resort sa Samal Island.

Nagpahayag naman ng mariing pagkundena ang ilang grupong Muslim kabilang na si Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Mujiv Hataman sa insidente.

“It has only been a week since Ramadan began, and it is appalling that this holy month we set aside for prayer and reflection has been already been violated by extremists here and abroad, as they wage violence in the name of our faith,” pahayag pa ni Hataman.

Nagpapatuloy naman umano ayon sa AFP ang rescue operation para mailigtas ang mga natitirang bihag mula sa kamay ng mga bandido.

Ngayon umaga ay kinumpirma rin ng Philippine National Police Crime Laboratory na nailipad na dito sa Metro Manila ang ulo ng biktima na natagpuan sa Jolo kagabi para isailalim sa pagsusuri.-DCR

Advertisements