Inagurasyon nina Duterte at Robredo bukas kasado na

Inagurasyon1

Handa na ang lahat ng mga kailangan para sa gaganaping inagurasyon bukas nina President-elect Rodrigo Duterte at Vice President-elect Leni Robredo.

Manunumpa si Duterte sa Rizal Hall sa Malacañang at hindi sa tradisyunal na Quirino Grandstand kaharap ang maraming tao at bisita upang makaiwas na magdulot ng trapik. 

Si Robredo naman ay manunumpa sa Quezon City Guest House sa New Manila sa Quezon City na siya ring magsisilbi nitong opisina.

Ang pagpapanumpa sa bagong pangulo ay gagawin ni Supreme Court Associate Justice Bienvenido Reyes na kasama ni Duterte sa Lex Talionis Fraternity sa San Beda College.

Napili naman ni Robredo na manumpa kay Punta Tarawal, Camarines Sur Barangay Chairman Ronaldo Coner. Ang Punta Tarawal ang pinakamaliit, malayo at mahirap na lugar sa naturang lalawigan.

Kabilang sa mga bisita ni Duterte ay ang mga miyembro ng kanyang gabinete, diplomatic corps. at ilang piling kaibigan at kapamilya.

Si Robredo naman bukod sa mga tagasuporta at kapamilya ay makakasama sa panunumpa ang mga miyembro ng mga sektor na malapit sa kanyang mga naging programa tulad ng kababaihan at mga magsasaka’t mangingisda. 

Pagdating sa pagkain ihahain lamang ng Malacañang bukas para sa mga bisita ni Duterte ay ang ginisang munggo’t alugbati na may tinapa, kesong puti, pandesal, Vigan longganisa, lumpiang ubod, durian tartlet, pritong saging na saba, pine-mango cooler at dalandan juice. 

Sa panig naman ni Robredo ay maghahain lamang sila ng sotanghon, tatlong klase ng pandesal, pichi pichi, turon at Chocnut. 

Simple ngunit  makahulugan ang nais ipakita ng kampo nina Duterte at Robredo sa taumbayan sa kanilang gagawing panunumpa.

Sa kabila ng magkahiwalay na venue ay sisikapin ng dalawang kampo na gawing maayos ang inagurasyon bukas.

Bandang 9:30 ng umaga manunumpa si Robredo habang sa hapon ay isang  thanksgiving concert ang inihanda ng mga tagasuporta nito sa Quezon City Memorial Circle.

Si Duterte naman ay magtutungo sa Malacañang bago mag-tanghali.

Doon ay sasalubungin siya ni Pangulong Benigno Aquino III.

Inaasahan na sandaling mag-uusap ang dalawa bago ihatid ni Dutete si Aquino palabas ng Palasyo para sa departure honor na ipagkakaloob dito ng Armed Forces of the Philippines.

Matapos maihatid paalis ng Palasyo ay babalik si Duterte at papasok na sa Rizal Hall para simulan ang seremonya ng panunumpa.

Nasa lima hanggang 10 minuto rin ang inaasahang itatagal ng talumpati ni Duterte bilang bagong Pangulo.

Bukod sa kanyang oath-taking ay inaasahan din na bukas sabayang manunumpa sa Malacañang ang mga miyembro ng kanyang gabinete.-DCR

 

Advertisements