“Walang Roxas Generals”- Mar

 

“Walang Roxas Generals.”

 

Ito ang pahayag ni dating Interior Sec. Mar Roxas ngayong araw matapos lumutang ang mga balitang iniuugnay siya sa limang narco-generals na pinangalanan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang mga protektor ng drug lords dito sa bansa.

“Lilinawin ko po: Walang Roxas Generals. Ang mga pinangalanang heneral ay hindi naging bahagi ng aking kampanya. Kung nakipag-ugnayan man ako sa kanila, ito ay bilang bahagi ng pagtupad ko sa aking tungkulin noong kalihim ako sa DILG (Department of Interior and Local Government),” pahayag ni Roxas. 

Kasama sa mga pinangalan kahapon ni Duterte na protektor ng mga malalaking sindikato ng droga sa bansa ay sina Retired Police Deputy Director General Marcelo Garbo, Retired Chief Superintendent Vicente Loot,  dating Quezon City Police District Director Edgardo Tinio, dating National Capital Region Police Office Dir. Joel Pagdilao at Chief Superintendent Bernardo Diaz.

Sa limang pinangalan sina Garbo at Loot ay pawang retirado na habang sina Pagdilao, Diaz at Tinio ay nasa aktibo pang serbisyo.

Ngayong araw ay pumunta naman ang tatlong heneral na nasa active service pa para humarap at magpaliwanag kay PNP Chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa.

 

MGA NAGPAKALAT NG ‘ROXAS GENERALS’ BINATIKOS NI ROXAS 

Philstar

Screenshot from Philstar.com


Sa isang statement ngayong araw sinabi ni Roxas na nakarating sa kanyang kampo ang mga balitang ikinakalat na siya ay may kaugnayan umano sa limang narco-generals.

 

Mariing pinabulaanan ni Roxas na ang mga idinadawit na heneral sa operasyon ng droga sa bansa ay nangampanya para sa kanya noong nakaraang halalan.

“Nakarating po sa aking atensiyon na may ilang online site at traditional media outlet na nagbabansag sa ilang heneral bilang ‘Roxas Generals.’ Kahit wala namang malinaw na batayan, pinalalabas na nangampanya sila para sa akin noong nakaraang eleksiyon,” pahayag ni Roxas.

All for Juan

Filipin

Screenshot from Filipinewsph.com

Dahil dito ay tahasang binatikos ng dating kalihim ng DILG ang mga news site na nagpapakalat umano ng malisyosong impormasyon.

“Nanawagan po ako sa ating nga kababayan: Maging kritikal sana tayo sa mga website na nagkukunwaring nagbabalita, pero sa katunayan ay nagpapakalat ng propaganda at maling impormasyon.” 

“Malinaw nga po: May mga pagtatangka pa ring dungisan ang aking pangalan kahit matagal nang natapos ang panahon ng eleksiyon,” pahayag pa ni Roxas. 

politics

Screenshot from Politics.com.ph

Una nito ay ilang balita ang lumabas na nag-uugnay kay Roxas sa mga narco-generals.

Kabilang sa mga ito ang inilabas na artikulo ng pahayagang The Philippine Star na may pamagat na “2 0f 5 police generals Duterte linked to Mar’s campaign”.

Ilang blog site din ang nagpalabas ng mga artikulong iniuugnay si Roxas sa mga narco-generals. Kabilang sa mga ito ay ang AllforJuanNews blogspot.com na may artikulong “Mar Roxas and 5 General Connection? Must Read”,  Politics.com.ph na may artikulong “Duterte tags ‘Roxas generals as drug protectors- Politiko”  at Filipinewsph.com na naglabas ng artikulong  “Mar Roxas is connected to some of the 5 generals linked to drugs- source”.

PNP GENERALS SA NOVOTEL

Kabilang sa mga pinagmulan ng bansag na ‘Roxas Generals’ ay ang napabalita dating pagkikita ng ilang matataas na heneral ng PNP sa Novotel noong panahon ng halalan na katabi lamang ng Araneta Colisuem na pag-aari ng pamilya ni Roxas.

Sa balitang lumabas bago ang halalan, noong April 2 umano ay nakita sa Novotel kasama ng mga miyembro at tagasuporta ng Liberal Party ang ilang active officer ng PNP.

Kabilang umano sa mga ito ay sina  Chief Supt. Generoso Cerbo Jr, Chief Supt.Renier Ido, Chief Supt Bernardo Diaz at si Chief Supt. Ronaldo Santos.

Ang apat ay miyembro  ng Philippine Military Academy class of 1984 kung saan si Roxas ay isang adopted member.

Kasama rin sa napabalitang pagkikita doon ang retiradong ng si Garbo.

Sa kabila ng pagkalat ng balita, itinanggi ng apat na aktibong miyembro ng PNP na may kaugnay sa pulitika o eleksyon ang pagkikita nila sa Novotel.

Si Garbo ay kilalang masugid na tagasuporta ni Roxas. Katunayan umano nito ay ang pagkakabilang ni Garbo sana sa mga posibleng maging pinuno ng PNP subalit mas pinili ni dating pangulong Benigno Aquino III ang nagretiro na ding si dating PNP Director General Ricardo Marquez. 

MGA DAWIT NA HENERAL SAMPAHAN NA LANG NG KASO- ROXAS 

Matapos pabulaanan ang mga alegasyong nag-uugnay kay Roxas sa mga narco-generals sinabi nitong kung may sapat na ebidensya ay dapat na sampahan ang mga ito ng kaso.

“Kung totoo na may kinalaman sa paggamit o pagbebenta ng ilegal na droga ang mga heneral na ito, o kahit na sino pa man, naniniwala ako na ang tama at makatwirang gawin ay sampahan sila ng kaso imbes na magpakalat ng mga haka-haka at espekulasyon,” pahayag ni Roxas. 

Pagdidiin pa ni Roxas, kahit kailan ay hindi niya kinunsinte ang ilegal na droga o ang mga gawaing may kaugnayan dito dahil salot ito sa lipunan at sumisira ng pamilya.

Una nito sinabi na ng Malacañang na may mga ebidensya sila laban sa mga narco-generals.

Iginiit naman ni Communications Sec. Martin Andanar na ang mga documentary at testimonial evidence na hawak nila ngayon ay hindi nila maaaring isapubliko.

Sa pag-uusap naman kanina nina Dela Rosa at ng tatlong aktibong heneral na dawit sa isyu sinabi ng hepe ng pambansang pulisya na sinabihan nya ang mga nadadawit na dapat nila itong harapin.

Pangungunahan din umano ng National Police Commission ang imbestigasyon sa mga dawit na heneral at nangako ang komisyon na tatapusin nila ang pagsisiyasat sa lalong madaling panahon.-DCR

 

Advertisements