Gen. Garbo tahasang itinuro ni Duterte na protektor ng malalaking drug lords sa bansa

Duterte2

Tahasang idiniin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Ret. Deputy Director General Marcelo Garbo bilang protektor ng mga drug lords dito sa Pilipinas.

Sa isang press conference ngayong gabi sa Malacañang ay isang matrix o flow chart ang ipinakita ng Pangulo sa media na nagpapakita ng kaugnayan ni Garbo sa tatlong malalaking drug lords.

Kabilang sa mga pangunahing supplier umano ng droga sa bansa ay si Wu Tuan o mas kilala bilang si Peter Co, Herbert Colangco at Peter Lim alyas Jaguar. 

Ayon kay Duterte si Garbo ang protektor ng tatlong nasabing drug lord.

Si Colangco na sinasabing pinuno ng Bilibid 19 at Co ay pawang nakakulong na sa New Bilibid Prisons at tinaguriang mga high profile inmates habang si Lim ay wala dito sa Pilipinas. 

Kasabay nito ay nagbabala si Duterte kina Co at Colangco na huwag nang tangkain ng mga ito na tumakas sa Bilibid dahil mamamatay lamang umano sila.

“Itong si Peter Lim according to the chief PNP he goes in and out of the Philippines and China. If he has friends here sabihin mo sa kanya the moments he lands in NAIA he will die.”

“Do not come back to the Philippines anymore. The moment he steps out of the plane he will die. That is my assurance to the people of the Philippines,” pahayag pa ni Duterte.

Pahayag pa ng Pangulo karamihan sa mga shabu na umiikot sa bansa ay nagmula pa sa labas ng Pilipinas.

Kasama rin umano sa listahan ng ipinakita ng Pangulo sa media ang mga alkalde at iba pang local officials na sangkot sa droga.-DCR

Advertisements