Robredo itinalagang housing czar ni Pangulong Duterte

Nabigyan na ng pwesto sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo. 

Ito ay makaraang ialok ni Duterte kay Robredo ang pwesto bilang tagapangulo ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Ang alok ay tinanggap naman agad ni Robredo.

Sa kanyang pahayag sa media sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na mismong ang Pangulo pa ang tumawag kay Robredo para ialok ang pwesto. 

Nabatid din sa kalihim na pinag-uulat na sa darating na Lunes si Robredo sa gaganaping Cabinet Meeting. 

Nagpasalamat naman si Robredo sa Pangulo sa pagbibigay sa kanyang ng pagkakataong pamunuan ang HUDCC.

Ayon kay Robredo, dahil sa kanyang posisyon ay mas mapaglilingkuran niya ang taumbayan lalo na ang mga walang tahanan at maitulak ang mga ito patungo sa kaginhawaan at kaunlaran.

“Mas mapaglilingkuran natin ang ating mga kababayang walang tahanan at maipagpapatuloy natin ang ating pangakong itulak ang kaunlaran at kaginhawaan para sa ating mga kapus palad na kababayan.

Ang pagtugon sa mga pangangailangan sa pabahay ay matagal nang adhikain ni Jesse. Maisasakatuparan ito at mabibiyayaan ang mga nasa laylayan sa pakikipagtulungan ng lahat,” pahayag ni Robredo.

Ang pagiging tagapangulo ng HUDCC ay hinawakan na rin noon ni dating Vice President Jejomar Binay sa ilalim ng administrasyong Aquino at ni dating Vice President Noli de Castro sa ilalim naman ng administrasyong Arroyo.-DCR

Advertisements